GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Paghahanda sa SONA, plantsado na – QCPD

July 6, 2013 4:18pm
“Plantsado na.” Ganito inilarawan ni Quezon City Police District public information officer Maricar Taqueban ang preparasyon ng mga pulis sa pagtitiyak sa seguridad sa nakatakdang State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino sa House of Representatives sa ika-22 ng kasalukuyang buwan.

Nasa “fine-tuning stage” na ang lahat security measures, ayon kay Taqueban sa isang pulong-balitaan sa Quezon City nitong Sabado.

Dinoble umano ang bilang ng mga pulis na kokontrol sa inaasahang mula 15,000 hanggang 20,000 magpoprotesta sa paligid ng Batasang Pambansa Compound, kung saan tradisyonal na isinasagawa ang SONA.

Ayon kay Taqueban, ang hakbang ay pagtitiyak na maging mapayapa ang ika-apat na SONA ni Pangulong Aquino. “Prevention is better than cure,” aniya.

Nagpaliwanag ang opisyal ng QCPD na malaki ang posibilidad na madagdagan ang mga portester sa darating na SONA dahil sasali ang mga “informal settler” na naapektuhan ng mga demolisyon sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan, lalo na sa Quezon City.

Nauna rito ay sinabi ni presidential spokesperson Edwin Lacierda na abala na ang Presidential Management Staff (PMS) sa pag-iipon ng mga impormasyon ukol sa mga naisagawa na ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan bilang pagtupad sa mga pangakong binitiwan ng Pangulo noong nakaraang SONA.

“PMS is responsible for tracking the promises made last SONA – what we have delivered, what we still need to deliver,” ayon kay Lacierda sa panayam sa dzRB noong Biyernes.

Araw-araw hanggang sa araw ng SONA umano ay magiging abala ang Pangulo sa pakikipagpulong sa mga speechwriter niya, mga kalihim ng iba’t ibang kagawaran at mga tauhan ng PMS upang tiyaking maayos ang kanyang talumpati. — Fort Nicolas /LBG, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus