GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Stage play na ginawang bakla si Hesus, 'di dapat ipalabas sa bansa, ayon sa opisyal ng CBCP

July 13, 2013 3:35pm
Haharangin umano ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang anumang plano na maipalabas sa bansa ang American stage play na “Corpus Christi,” kung saan ginawang bakla si Hesus at mga Apostoles nito.

Ayon kay Fr. Melvin Castro, executive secretary ng Episcopal Commission on Family and Life ng CBCP, isang pambabastos sa Hesu-Kristo at sa pananampalatayang Katoliko ang naturang palabas.

Sinabi ng pari na magsasagawa sila ng mga protesta at gagawa rin ng legal na hakbang kapag may nagtangkang maipalabas ito sa bansa.

“Gagawin natin ang lahat ng legal means. Kung tayo ay handang mag-rally at mag-martsa laban sa RH (reproductive health) law, e lalo na ito dahil ang nakataya dito ang pagkatao, pagka-Diyos ng ating Panginoong Hesus," pahayag ni Castro sa panayam ng Radio Veritas.

Una rito, napaulat na magkakaroon ng US tour ng stage play ngayong Setyembre kasunod na rin ng pagkakaapruba ng Korte Suprema ng America sa same sex marriage.

Basahin: US Supreme Court delivers wins for gay marriage movement

Paliwanag ni Castro, ang pagtutol na maipalabas sa bansa ang “Corpus Christi” ay hindi lamang usapin ng pagiging konserbatibo, kung hindi pakikipaglaban na rin sa karapatan ng mga naniniwala at tagasunod ni Hesus.

"Kung ito (palabas) ay paninira na, kung ito ay pambabastos na, kalabisan na ito," ani Castro.

"The mere fact na i-present mo ang Panginoon at mga Apostoles bilang mga gay men; at hindi lang basta bakla pero active gay, na nilagay nila sa konteksto ng Texas at pinalabas nila na kaya pala pinagtaksilan ni Judas si Kristo ay dahil sa jealousy at pagkatapos noon ay si Kristo ay kinasal pa ang dalawang apostoles niya, aba ito ay kabastusan na," giit niya.

Idinagdag ni Castro na hindi na maaaring magkubli ang naturang stage play sa tinatawag na freedom of speech o art para lamang maipalabas.

"Ito ay malinaw na pambabastos, walang paggalang sa ating Panginoon Hesu-Kristo at sa pananampalatayang Kristiyano. Kaya kung balak nilang ipalabas ito sa ating bansa, as early as now tayo ay sasabihin na natin sa sambayanan na hindi natin tatanggapin ang play na ito," deklara niya. - MP/FRJ, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus