GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

2 bata na ilang buwan nang nawawala, natagpuang patay sa loob ng kotse sa Taguig City

July 17, 2013 12:12am
Natagpuan ang naagnas na bangkay ng dalawang bata na iniulat na nawawala mula pa noong Marso sa loob ng isang nakaparadang kotse na hindi kalayuan sa kanilang bahay sa Taguig City nitong Martes.
 
Sa ulat ng GMA News TV's “Quick Response Team,” nakilala ng kanilang magulang sa pamamagitan ng suot nilang damit ang mga bata na sina Dayne Buenaflor, 3-anyos, at James Naraga, 4.
 
“Palaisipan sa amin,” pahayag ni Philip Buenaflor, opisyal ng barangay Wawa sa pagkakatuklas sa mga bangkay ng bata sa loob ng itim na kotse.
 
“Yung mga panahon na Marso hanggang Abril, may mga nagsabing nakita daw yung mga bata sa Parañaque at Las Piñas. Sa katabing barangay nakita din daw yung mga bata,” dagdag pa ni Buenaflor na tiyuhin ng isa sa mga bata.



Ang mga labi ng dalawang bata ay nadiskubre ng isang Alvin Bionisio, na nautusan umano na linisin ang nakaparadang itim na Mercedez Benz sa loob ng pribadong paradahan na nasa harapan lang ng barangay hall.

“Sa kotse na po 'yon may pinapaalis daw na patay na hayop. Tapos nung binuksan ko na po yung kotse, (lumabas) na po yung amoy. At nung sinilip ko po yung loob ng kotse nakita ko po patay na bata,”  kuwento ni Bionisio.

Nakita umano ang bangkay ng isang bata na nakaupo, habang nakasubsob naman sa upuan ang isa pa.

Sinasabing huling nakita ang dalawa na naglalaro ng "taguan" noong Marso 27 kasama ang iba pang mga bata.
 
Ayon kay (Philip) Buenaflor, kung saan-saan sila nakarating sa paghahanap sa mga bata magmula sa Metro Manila, Laguna, Cavite at Rizal.  Nakarating din umano sila sa Pangasinan, Mindoro at Bicol.

Sa ngayon, ayaw ni Buenaflor na isipin na may taong gumawa ng masama sa mga bata. Maaaring aksidente lamang umano na nakapasok at nakulong ang dalawa sa loob ng sasakyan.
 
Ayon naman sa may-ari ng sasakyan na si Gregorio Valenzuela, may ilang taon nang nakaparada sa lugar ang sasakyan, kasama ang iba pang kotse na napinsala dahil sa bagyong "Ondoy."

Sinabi naman ni Taguig acting police chief Senior Superintendent Arthur Felix, na pinagbabawalan ang mga bata na maglaro sa loob ng pribadong paradahan.
 
“Nalaman po namin kanina na nakakapasok pala ang mga bata sa parking area kasi kaya nilang akyatin ang bakod. Pero 'pag nakikita yung mga bata na naglalaro dito sa loob, sinisita naman nila. Bago ito nangyari, walang nakapansin na ganito pala ang kalalabasan,” pahayag ng opisyal.
 
“Kung sa first impression, mukhang walang trace ng struggle,” paglalarawan niya sa mga labi nang matagpuan.

Isasailalim naman sa awtopsiya ang mga labi ng mga bata para malaman ang dahilan ng kanilang pagkamatay.
 
“So far, wala pang autopsy report dahil kanina lang nakita ‘yung mga bangkay… Maghihintay ng dalawang araw bago magkaroon ng official report kung paano sila namatay,” ayon kay Southern Police District director Chief Superintendent Jose Erwin Villacorte.

“Maraming kwento o usap (usapan) na tsinek na ‘yan [parking lot] dati  kaya gusto talaga naming malaman sa imbestigasyon na gagawin ng ating kapulisan kung ano ba ang nangyari (at) bakit hindi nila nakita noong una. Maaaring umikot lang kasi sila pero hindi nila siguro sinilip ang looban ng mga sasakyan dito,” dagdag niya.

Umaasa naman si Buenaflor at pamilya ng mga bata na magiging mabilis ang imbestigasyon para malaman nila ang dahilan ng pagkamatay ng mga ito. -- FRJ, GMA News