GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Miriam, inihambing ang SONA ni PNoy sa mahabang 'college paper'

July 24, 2013 5:33pm
Inihayag ni Senator Miriam Defensor-Santiago na mistulang gawa ng isang mag-aaral ng kolehiyo na walang masabi ang halos dalawang oras na talumpati ni Pangulong Benigno Aquino III sa nakaraan nitong State of the Nation Address.
 
Sa isang panayam nitong Miyerkules, sinabi ni Santiago na dismayado siya sa talumpati ni Aquino, na bigo umanong talakayin ang mga mahahalagang isyu na direktang nakakaapekto sa mga ordinaryong Pilipino, tulad ng kahirapan at kawalan ng trabaho.
 
"Kulang ang trabaho. Unemployment rate is very high. 'Yan ang pinakaimportanteng problema na nakaharap ngayon sa taongbayan. Hindi problema sa foreign affairs kundi problema saan kukuha ng kakainin nila," ani Santiago sa panayam ng News To Go ng GMA News TV.
 
Kasalukuyan pang sinusubukan ng GMA News Online na makuha ang pahayag ng Malacañang tungkol sa isyu.

Basahin ang buong talumpati ni PNoy sa SONA:  sa Filipino / sa English
 
Sa parehong panayam, sinabi ni Santiago na dapat gumamit ang mga speechwriter ni Aquino ng bullet points upang ipakita ang lahat ng mga tagumpay ng administrasyon nitong nakaraang taon.
 
"Nagkamali ang kanyang media adviser na ipaliwanag lahat ng detalye tungkol sa isang taon lang na buhay ng bansa. Walang tao who can keep up with this for 2 hours. Mali talaga ang media operations nila sa Malacañang," aniya.
 
Dahil dito, sinabi ni Santiago na ang SONA ng Pangulo ay tila isinulat ng isang mag-aaral ng kolehiyo na maaaring mapagalitan ng kanyang propesor.
 
"Kamukha 'yan sa college na lahat na lang pati footnotes nilagay mo sa paper mo. Lagay mo sa likuran, sa end note. 'Wag mo lalagay sa main page kundi magagalit propesor mo at maghihinala na wala kang masabi," aniya.
 
Nabigong dumalo si Santiago sa SONA ng Pangulo noong Lunes dahil sa chronic fatigue.
 
Sa kanyang ikaapat na SONA, ipinagmalaki ni Aquino ang nakamit na mga tagumpay ng kanyang administrasyon sa nakaraang tatlong taon. Ginamit rin niya ang pagkakataon upang purihin ang ilang mga miyembro ng Gabinete, at punahin ang ilang mga ahensiya.
 
Pork barrel
 
Gayundin, iginiit ni Santiago na walang binanggit si Aquino tungkol sa pinakahuling kontrobersiya sa paggamit ng priority development assistance fund (PDAF), na kilala bilang "pork barrel."
 
"Dapat sana ipinaliwanag ang napaka-iskandaloso na pork barrel... There should have been a specific discussion on corruption and telescope it to the anomalies connected to pork barrel," aniya.
 
Noong nakaraang linggo, naglabas ang Philippine Daily Inquirer ng mga ulat tungkol sa isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang racket na umano'y pinamumunuan ng negosyanteng si Janet Lim Napoles. Ilang mambabatas at ahensiya ng pamahalaan ang nasangkot sa isyu na pinagkukunan umano ng pondo ni Napoles.
 
Nauna nang itinanggi ni Napoles ang mga alegasyon tungkol sa umano'y anomalya.
 
Ayon kay Defensor, dapat isinama ni Aquino ang nasabing usapin dahil mayroong anti-corruption agenda ang kanyang administrasyon.
 
"Bakit wala tayong imik doon? Ang tema ng administrasyon na ito ay daang matuwid, laban sa korupsyon," puna ng senador.
 
Nauna nang nanawagan si Santiago sa kanyang mga kasamahang sangkot sa kontrobersya na mag-leave muna sa trabaho habang isinasagawa ang imbestigasyon sa umano'y anomalya.
 
Mula sa Kamara
 
Samantala, karamihan sa mga miyembro ng Kamara de Representantes na kasama sa majority bloc ay nagpahayag ng "satisfied" sila sa laman ng SONA ni Aquino.
 
Inilarawan ni Pangasinan Rep. Rosemarie Arenas ang talumpati ng Pangulo bilang "fantastic," dahil nagawa umano nitong maipaalam sa publiko ang mga nais niyang sabihin.
 
"The President was forceful and at the same time he delivered his SONA gently.  It’s really his style," ayon kay Arenas.
 
Inilarawan naman ni ACT-CIS party-list Rep. Samuel Pagdilao, na "comprehensive" ang naging talumpati ng Pangulo nitong Lunes.
 
"The President touched on a lot of things that were actually put into concrete terms. Example is our economic growth as assessed by foreign entities, he presented concrete examples in many areas, which are indicators of our rising economy like more housing projects, additional CCT recipients, more jobs, more focus on education," ani Pagdilao. -- Mandy Fernandez/FRJ, GMA News
Go to comments