GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Pagbibitiw ng 'technical people' ng gobyerno, nais tuldukan ng Senado

August 3, 2013 5:00pm
Bubusisihin ng committee on science and technology sa Senado kung paano matutuldukan ang paglabas sa bansa ng government technical people upang magtrabaho bilang overseas Filipino worker.

Ito'y matapos magbitiw sa tungkulin ang isa na namang weather forecaster ng PAGASA kapalit ng malaking sweldo sa Congo.

Sa ulat ng DZBB, tinanggap ni Ricky Fabregas ang alok ng Congo na P100, 000 buwanang sahod—limang beses na mas malaki kumpara sa P20,000 na tinatanggap niya sa PAGASA.
 
“Hihingan natin sila ng solusyon, legislative in kind, if necessary, kung papapaano maagapan  ang paglisan ng mga technical people na nasa “mission critical posts” tulad  halimbawa  ng air traffic controllers,” ayon kay Senate Pres. Pro Tempore Ralph Recto, chairman ng komite, sa kaniyang press statement nitong Sabado.

Aniya, tatalakayin sa pagdinig kung kailangang irebisa ang pay classification sa Salary Standardization Law III o special provisions o additional allocations sa General Appropriations Act.
 
“Talent has the right to follow where the money is. Talented people has the right to happiness. Kung mababa talaga ang sweldo dito, hindi mo pwedeng i-hold Departure Order sila. Ang pwede lang nating gawin ay isagad kung hanggang saan ang benepisyong kayang ibigay,” diin pa ng mambabatas.
 
“And having lessened the gap between actual and potential income, pray that love for country will be enough to fill the difference. Kung hindi pa rin kaya, then we thank them for their services to the Republic, and wish them all the best,” aniya.  
 
Kinumpirma ng hepe ng Philippine Weathermen Employees Association Mon Agustin na hanggang ngayon, hindi pa rin natatanggap ng mga weather forecaster ang ipinangakong benepisyong dapat naibigay na nitong Hulyo 2013.

Nangako aniya ang Department of Science and Technology (DOST) at Department of Budget and Management (DBM) na ibibigay noong unang linggo pa ng Hulyo ang mga benepisyo.

Ang nasabing pangako ay kasunod ng pagbibitiw naman ni dating PAGASA  administrator Nathaniel Servando, na ngayo’y nasa Qatar kapalit din ng malaking sweldo.  — Linda Bohol /LBG, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus