GMA News Online
Ulat Filipino
»
Davao

Davao City, kasama sa listahan ng isang website na pinakaligtas na lungsod sa mundo

August 15, 2013 8:31pm

Tags: Davao City
Pang-apat ang Davao City sa listahan ng isang website na pinakaligtas na lungsod sa buong mundo batay sa isinagawang survey kung saan mahigit 300 lungsod ang isinama.

Nataon ang paglabas ng survey sa harap ng pinaigting na seguridad sa lungsod dahil na rin sa selebrasyon ng Kadayawan Festival na tatagal ng isang linggo.

Iniulat ni Donna Timbal-Senajon ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas Ngayon, na una sa listahan ng survey ng Numbeo.com ang Abu Dhabi, United Arab Emirates at sumunod ang Lugano, Switzerland at Marbella, Spain.



Sumunod naman sa Davao City, at pang-lima sa puwesto na Taipei, Taiwan.

Pasok naman sa top 10 ang Munich, Germany; Quebec City, Canada; Hong Kong, Hong Kong; Seoul, South Korea at Bern, Switzerland.

Sa website ng Numbeo, inilarawan nila ang website na " world’s largest database of user contributed data about cities and countries worldwide."

Bukod sa usapin ng kaligtasan, minomonitor din ng Numbeo ang usapin ng living conditions o cost of living, housing indicators, health care, traffic, crime at pollution sa mundo.

Ikinatuwa naman ng mga residente ng Davao City at opisyal ng pulisya ang resulta ng survey.

Ayon P/Chief Supt. Ronald dela Rosa, director Davao City police,  malaking suporta sa kanila ang naturang survey para sa ginagawa nilang hakbang para tiyakin ang kaligtasan ng mga tao.

Kasabay ng selebrasyon ng Kadayawan Festival, ginanap din sa lungsod ang pulong ng Eastern Mindanao Command para talakayin ang pagpapaigting sa kampanya para sa seguridad ng buong Mindanao.

Kabilang sa mga dumalo sa nasabing pulong ay sina Executive Secretary Paquito Ochoa, Interior and Local Government Sec. Mar Roxas, at mga pinuno ng militar at pulisya. -- FRJimenez, GMA News

Tags: Davao City



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus