GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Imbestigasyon sa 'pork barrel' scam, pinabibilisan ni Drilon

August 18, 2013 4:46pm
Nanawagan ang liderato ng Senado sa mga ahensiya ng pamahalaan na bilisan ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa anomalya sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o "pork barrel scam."
 
Ayon kay Senate Pres. Franklin Drilon, dapat na tapusin na imbestigasyon ng Ombudsman, Commission on Audit at Department of Justice para makapagpaliwanag naman ang mga mababatas na isinasangkot sa isyu.
 
“We are all under clout of doubt. Dapat tapusin ito upang sa ganoon yung mga nababanggit sa report ay mabigyan ng pagkakataon na sagutin ang banat, harapin ang kaso, defend themselves,” diin ni Drilon sa panayam nitong Linggo sa dzBB.
 
“Otherwise, hirap na puro sa media at walang pagkakataon na makasagot ang involve[d]. Dapat bigyan ng priority ang investigation ng Ombudsman at DOJ,” aniya.
 
Dapat aniya na maresolba ng gobyerno ang isyu para mapatunayan sa taumbayan na may ginagawa ang pamahalaan.
 
Babala ukol sa 'pork barrel' scam
 
Matatandaang na una nang nagbabala si dating Sen. Panfilo Lacson na aalingasaw ang baho ng pork barrel na maituturing na "virus" ng korapsyon sa gobyerno na dapat ng mamatay.
 
“One thing, I may say it's apodictic. It is still counting. There is nothing in the pork barrel system that gives us pride. There is only everything that makes us hide in shame,” ayon sa bahagi ng kaniyang privilege speech sa Senado noong Marso 11, 2003 na may titulong "Living Without Pork."  
 
“We now must move to abolish the pork barrel system. We must see its end during our watch without need to mourn its loss. There is life without it!”
 
Ani Lacson, inihalal ng taumbayan ang mga mambababatas para lumikha ng mga batas sa ikaaayos ng sambayan at hindi magpayaman sa pamamagitan ng pork barrel system.
 
“We are here to make laws, not to build roads and bridges. We were voted into office to provide check and balance under the principle of powers; and not to accept fat checks to enhance our bank account balance," dagdag pa ng talumpati nito.
 
Si Lacson ang tanging senador na hindi nanamantala sa kaniyang pork barrel allotment.
 
Kaya naman taas-noo siyang ipinagsisigawan na tuloy ang buhay ng isang mambabatas kahit walang pork barrel.
 
Inirekomenda rin ni Sen. Miriam Santiago ang dahan-dahang pagbabawas sa pork barrel ng mga mambabatas mula sa 2014 hanggang tuluyang mawala sa 2016.   — Linda Bohol /LBG, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus