GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Panahon na para magsalita tungkol sa 'pork barrel' funds, ayon sa ex-DBM chief ni Arroyo

August 22, 2013 8:29pm
Inihayag ng dating kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na panahon na para magpaliwanag ang mga kalihim na may kaugnayan sa pagpapalabas ng Priority Development Assistance Funds (PDAF) na mas kilala rin bilang "pork barrel" funds ng mga mambabatas.
 
Nitong Huwebes, hinikayat ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., naging kalihim ng DBM mula 2006 hanggang 2009,  ang iba pang naging opisyal sa ilalim ng Arroyo administration na magsalita at ipaliwanag sa publiko ang nangyari sa pagpapalabas at paggamit ng PDAF mula 2007 hanggang 2009 na naging laman ng special audit na isinagawa ng Commission on Audit (COA).
 
“The former secretaries of the different implementing agencies can help clarify the matter (pork barrel scam). They should speak out now and help explain how they implemented the projects funded by PDAF,” ayon kay Andaya.
 
Idinagdag niya na hindi rin mabibigyan ng pondo mula sa PDAF ng mambabatas ang isang non-government organizations (NGOs)  kung hindi ito inaccredit ng ahensiya ng pamahalaan na magpapatupad ng proyekto.
 
Bukod sa DBM na nagpapalabas ng pondo, kabilang sa mga ahensiya na pinagdaanan ng PDAF ay ang Department of Agriculture (DA), Public Works and Highways (DPWH), Agrarian Reform (DAR), at Social Welfare and Development (DSWD).
 
Ang DA ay pinamahalaan dati ng ngayon'y kinatawan ng Bohol na si Rep. Arthur Yap, habang si Zambales Gov. Hermogenes Ebdane naman ang dating kalihim ng DPWH.  Samantala, si Nasser Pangandaman ang dating kalihim ng DAR, at si Esperanza Cabral ang dating namuno sa DSWD.
 
Nilinaw naman ni Andaya na naaayon sa batas alinsunod sa ipinapasang General Appropriation Act (GAA) ang lahat ng transaksiyon na ginawa niya noong panahon na siya ang pinuno ng DBM.
 
“The release is not about the choice of Mrs. Arroyo. It is not correct to say that she can choose who and how much to give each lawmaker. All the releases that have been made under my watch are authorized by law or the GAA. There is no any irregularity here,”  ayon sa kongresista.
 
“It’s like IRA (internal revenue allotment) funds, the release is based on what the law prescribed,” dagdag pa ni Andaya.
 
Sa ipinalabas na ulat kamakailan ng COA, kabilang sa pinuna ang pagkakaroon ng ilang mambabatas (senador at kongresista) ng higit na malaking alokasyon kaysa sa itinatakda sa kanilang bawat taon.
 
Bukod dito, ilang NGOs na pinaglaanan umano ng pondo ng ilang mambabatas ay peke o kaya naman ay pinagmumunuan o kinabibilangan ng mga kamag-anak ng mambabatas.
 
Ang bawat kongresista ay nakatatanggap ng P70 milyon PDAF bawat taon, habang P200 milyon naman sa bawat senador.
 
Pero paliwanag ni Andaya, walang masama kung humigit ang nakukuhang alokasyon ng isang mambabatas na inilarawan niyang "congressional insertions” kung may paglalaanan naman itong proyekto.
 
“Hindi ibig sabihin na hindi na puwedeng humingi ng karagdagan (alokasyon). Hindi naman ipinagbabawal na humingi ka ng dagdag para sa distrito mo,” paliwanag niya.
 
Resolusyon vs pork barrel
 
Samanatala, sinabi naman ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., na hindi na kailangan sa Kamara de Representantes na magpasa ng katulad na resolusyon sa Senado para imungkahi ang pagpapatigil sa pagkuha ng kanilang PDAF.
 
Naniniwala umano ang lider ng mga kongresista na makapagpapalabas ang pamahalaan ng higit na mahigpit na panuntunan sa paggamit ng PDAF na ipatutupad ng kapulungan para maiwasan na ang mga katiwalian.
 
Gayunman,  handa umano si Belmonte na suportahan kung mayroong katulad na resolusyon na ihahain sa plenaryo kung ang layunin nito magkaroon ng reporma sa paggamit ng kontrobersiyal na pondo.
 
Nauna nang inihain sa Kamara ng mga militanteng kongresista ang isang resolusyon na humihiling na ibasura ang pork barrel system.
 
May hiwalay ding resolusyon na inihain ang ilang mambabatas na naglalayong ipagpaliban muna ang pagpapalabas ng pondo at imbestigahan ang umano'y anomalya sa paggamit nito.
 
Nakapaloob sa P2.268-trilyon na panukalang budget ng pamahalaan sa 2014 ang P27 bilyon pondo para sa PDAF ng mga mambabatas. -- RP/FRJ, GMA News