GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Loboc River cruise sa Bohol, balik-operasyon na

October 24, 2013 11:50pm
Mahigit isang linggo makaraang isara sa publiko, binuksan na nitong Huwebes ang Loboc river cruise na isa sa mga dinadayo ng mga turistang bumibisita sa Bohol.

Sa ulat ni Allan Domingo ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabi nito na nagtulong- tulong ang mga hotel and restaurant owners at lokal na pamahalaan para pasiglahin ang turismo ng lalawigan upang makabangon sa pinsalang idinulot ng malakas na lindol na tumama sa kanila noong nakaraang linggo.



Bago ang muling paglalakbay ng floating restaurant at mga bangka, isang misa muna ang isinagawa nitong Huwebes ng umaga sa loob ng Loboc Tourism Complex. Pagkatapos mabendisyunan ang mga gusali sa compound, sinundan na ito ng pagtugtog ng Loboc Youth Ambassador Band na hudyat ng pagbabalik sa operasyon ng isa sa mga atraksyon ng Bohol.

Ayon kay Loboc mayor Helen Alaba, nagkakaisa sila ng kaniyang mga kababayan na ibangon ang lalawigan at mabigyan ng higit na mahusay na serbisyo ang mga turista.

Sinabi ni Domingo na tuloy-tuloy na ang pagdating mga turista na nais mabaybay ang Loboc river matapos itong buksan sa publiko.

Gayunpaman, nananatiling sarado naman ang simbahan ng San Pedro Apostol na mas kilala sa tawag na Loboc church dahil sa matindiding pinsala na tinamo nito sa lindol.

Sinabi ng parish priest dito na kokonsultahin din niya ang mga tao kung ano ang kanilang gagawin sa makasaysayang simbahan. -- FRJimenez, GMA News

Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus