GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Imelda, 'di pinayagang bisitahin ang Tacloban dahil sa kalagayan ng kalusugan

November 19, 2013 4:28pm

Dahil sa lagay ng kalusugan, hindi pinayagan ng kaniyang mga duktor si dating First Lady at ngayo'y Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos na bisitahin ang kanyang hometown na Tacloban City na kabilang sa mga lugar na matinding napinsala ng bagyong "Yolanda sa lalawigan ng Leyte.

Ayon kay Bebot Diaz, chief of staff ni Marcos, nais sana ng kongresista na mapuntahan ang Tacloban City.
 
"Gustong-gusto niyang pumunta, pero ang problema hindi siya papayagan ng doctor. Gusto niya pumunta day one pa lang," pahayag ni Diaz.

Sinabi ni Diaz na pinayuhan ng mga duktor si Marcos, 84-anyos, na manatili sa ospital dahil na rin sa kaniyang fluctuating sugar levels.
 
Inamin din ni Diaz na hindi ipinaalam ng mga anak ang lahat ng detalye tungkol sa nangyari sa Tacloban para hindi lubos na mag-alala ang dating unang ginang.
 
"Hindi naman sa hindi niya alam. Pero not all details, ang alam niya kasi hindi na namin binanggit, considering the situation, lalo lang siyang made-depress," paliwanag ng chief of staff.
 
Dagdag niya, "Nabababasa naman niya sa paper, nakikita sa TV. Di naman totally pwedeng matanggal yun."

Sinabi rin ni Diaz na gumagawa rin ng mga hakbang ang Marcos at mga kamag-anakan nitong Romualdez para makatulong sa kanilang mga kababayan sa Tacloban.
 
“It's the children and cousins who are leading the effort,” aniya. Banggit pa ni Diaz, sina Sen. Bongbong Marcos at Ilocos Norte Governor Imee Marcos, at pamangkin ni Gng Marcos na sina  Leyte Rep. Martin Romualdez at Tacloban Mayor Albert Romualdez, “are leading operations and relief efforts, and it will be sent to Tacloban through whatever means possible."

Si Martin ay anak ng kapatid ni Gng Marcos  na si dating Leyte governor Benjamin “Kokoy” Romualdez,  habang si Alfred ay anak ni Alfredo “Bejo” Romualdez,  na dating alkalde ng lungsod.

Naging Rose of Tacloban at Miss Leyte si Gng Marcos noong kaniyang kabataan. — FRJ, GMA News
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus