GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

2013 Ms. Tourism International Angeli Dione Gomez, nakabalik na sa bansa

January 7, 2014 10:10pm
Nakabalik na sa bansa mula sa Malaysia si Angeli Dione Gomez, ang pambato ng Pilipinas at nagwaging Miss Tourism International 2013-2014.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras nitong Martes, sinabing matatamis na ngiti ang isinalubong ni Angeli sa media.

Ayon sa dalaga, hindi siya pinanghinaan ng loob kahit sa simula ng kompetisyon ay may mga nagsasabi na tila imposible na manggaling sa parehong bansa ang mag-uuwi ng korona sa magkasunod na taon.

Noong kasing nakaraang taon, Pilipinas din ang nakasungit sa korona ng Miss Tourism International sa katauhan ni Rizzini Alexis Gomez.



Ayon kay Angeli, marami sa mga kandidata ang nagpahayag na nais nilang pumunta sa Pilipinas para tumulong sa mga naging biktima ng bagyong "Yolanda."

Dahil dito, paplanuhin daw niya kung papaano aasikasuhin ang posibleng pagdating sa bansa ng ibang kandidata na kaniyang nakasama sa kompetisyon. -- FRJ, GMA News