GMA News Online
Showbiz

Kim Rodriguez has no problem showing some skin and doing 'wet look' in new TV series

January 17, 2014 3:35pm



Wala raw problema ang 19-year-old Kapuso actress na si Kim Rodriguez kung pa-daring na ang mga karakter na gustong ipagkatiwala sa kanya ng network.

Aniya, “Okey lang po yun.

"Kasi, noong nalaman ko nga po na ako ang pinili nilang Josephine sa Paraiso Ko’y Ikaw, hindi na ako nagdalawang-isip na i-grab po ito, kasi blessing po yun."

Ang Paraiso Ko’y Ikaw ay ang bagong GMA-7 afternoon drama series na pagbibidahan ni Kim.
Mula sa pagiging taong may kakambal na ahas sa launching teleserye niyang Kakambal Ni Eliana noong 2013, mapapanood naman ngayon si Kim sa isang mapangahas na karakter bilang isang babaeng lumaki sa isang isla.

Patuloy niya, “At saka, noong malaman ko na medyo sexy…

"Kasi, ipinaliwanag po nila sa akin, 'Hindi maiiwasan na may kissing scene, magpapakita ka ng konting skin, wet look…. Yun po.”

Dahil magiging daring nga siya sa bago niyang teleserye, sa tingin niya ba’y handa na rin siyang mag-pose sa FHM?

“Kung ready na siguro ako, kung sobrang ready na ready na sa FHM, why not?” sagot ni Kim.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kim sa pictorial ng Paraiso Ko’y Ikaw sa souvenir room ng GMA Annex Building noong Martes, January 14.

Masayang ikinuwento ni Kim ang karakter niya sa bagong soap.

“Ako po si Josephine rito, isang island girl. Lumaki po ako sa isla.

"Dito po, hindi na siya pa-tweetums. Medyo daring na.

“Magkasama po kaming lumaki ni Kristoffer [Martin] sa isla. Pagkatapos po nun, magkakahiwalay kami kapag tumakas kami sa isla.

“Kaya lang, may nangyaring aksidente kaya nagkahiwalay kami.

“Kaso, sa Manila, wala akong alam. Parang inosente.

“Parang ang peg po nila sa akin dito, parang Marimar. Dapat may aso. Pero, hindi ko po alam kung itutuloy nila ang aso o hindi.”

Nang malaman ng PEP kay Kim na ang peg pala ng karakter niya ay Marimar, naisip ba niyang baka kung ire-remake muli ng GMA-7 ang Marimar ay siya na ang mapiling gumanap dito?

“Ay, sana nga po,” masaya niyang tugon.

“Kasi, noong sinabi nilang Marimar, 'Ay, puwedeng Marian Rivera ‘to!'

“Si Marian Rivera po agad ang naisip ko. Siyempre, na-excite po ako.

"Sabi nila sa akin, basta galingan ko lang daw po. Lalo na po, si Direk Joyce Bernal ang aming director."

Si Direk Joyce Bernal ang isa sa dalawang direktor ng Filipino adaptation ng hit Mexicanovela na Marimar.

“So, sobrang happy ako at saka pressured.

“Kasi, isa sa pinakamagaling na director po yun.

"Pero yung pressure naman po na nararamdaman ko, maganda naman.

“Kapag napi-pressure po ako, mas lalo kong ginagalingan.”

IN A TRIANGLE with KRISTOFER and JOYCE. Silang muli ng Kakambal ni Eliana co-star niyang si Kristoffer Martin ang magkapareha sa Paraiso Ko’y Ikaw.

Pero ngayon, magiging ka-love triangle nila ang ex-girlfriend ni Kristoffer na si Joyce Ching.

Wala naman daw silang ilangan na tatlo.

“Wala naman po. Actually, masaya naman po kami. Parang bumalik lang yung Tweens.”

Ang tinutukoy niyang Tweens ay ang pinagsamahan din nila ni Kristofer na Tween Hearts ng Kapuso Network.

“At saka, wala naman kasi akong pakialam kung dati sila, then nag-break. Trabaho lang talaga.

“At saka, okey naman sila, nag-uusap naman sila. So, walang ilangan.”

MARIMAR REMAKE? Nabanggit nga niya na parang Marimar ang peg ng karakter niya rito.

Kung sakali at maisipan muli ng GMA-7 na i-remake ang Marimar at papiliin siya kung sino ang gusto niyang makapareha bilang si Sergio, sino ang pipillin niya?

“Kung sino ang ibibigay ng GMA.

“Pero ang gusto ko, si Dingdong Dantes!” natatawang saad niya.

Si Dingdong ang gumanap na Sergio sa Filipino adaptation ng Mexicanovela na ito.

“Biro lang. Siyempre, kung sa mga kaedad ko, sa tweens, kahit naman sino.

"Pero siyempre, kung marami kang nakakatrabaho, marami kang nagiging kaibigan. 

“Siguro, puwede rin si Kristoffer, puwede rin si Enzo [Pineda], magagaling naman sila.

“Si Alden Richards, perfect,” sabi pa niya.

KIKO ESTRADA. Kinumusta ng PEP kay Kim ang anak nina Gary Estrada at Cheska Diaz na si Kiko Estrada. 

Balitang nanliligaw ito sa kanya.

“Okey naman po kami, nandiyan lang siya,” nakangiting sabi niya.
Sila na ba?

“Hindi po,” mabilis na sagot Kim.

Dugtong din niya, “Pero okey naman po kami. Nagkakamustahan, kasi nagda-dubbing kami.

“Malapit na rin po kasi ang showing ng Chasing Boulevard.”

Ang Chasing Boulevard ang pelikulang ginawa niya kasama sina Kiko at Teejay Marquez.

Nanliligaw pa rin ba sa kanya si Kiko?

“Nanliligaw? Hindi ko alam kung nanliligaw, pero okey kami,” ang tila naiilang na sagot ni Kim.

“Basta, okey naman po kami.

"Masaya naman din siya sa naa-achieve ko ngayon. 

“Basta ako po, ang focus ko muna po talaga, yung trabaho ko.

“Lalo na nga po, meron akong Paraiso Ko’y Ikaw, nabigyan po akong muli ng chance ng GMA.

“Happy po ako, hindi ko nga po alam na meron agad kasunod ang Kakambal Ni Eliana.

“Thankful ako sa GMA kasi, pinagkatiwalaan nila ‘ko ulit,” pasasalamat pa ni Kim.

LIVING NEAR GMA. Dahil tuluy-tuloy lang ang trabaho ni Kim, nakalipat na rin daw siya sa mas malapit na tirahan sa GMA.

Nasa isang condo na raw siya sa Scout Borromeo kumpara noon na sa Rizal pa siya umuuwi.

“Rent-to-own po siya, tinutulungan ako ng manager ko sa condo.

“Bale ang kasama ko, pinsan ko.

"Pero minsan, pumupunta ang tatay ko. Pati ang mga kapatid ko po, pumupunta.”

Okey na sila ng tatay niya?

“Opo, pumupunta sila.”

Hindi lumaki sa tatay niya si Kim habang ang nanay naman niya ay nasa Japan. -- Rose Garcia, PEP
Go to comments