GMA News Online
Showbiz

Puso ang una ngayong Pebrero sa GMA

February 5, 2014 11:30pm
Damhin ang kilig na dala ng iba’t ibang love teams ngayong Pebrero dahil hatid namin sa inyo ang iba’t ibang kuwento ng pag-ibig.

Mapa-Afternoon Prime man o Telebabad, puso ang mananaig ngayong Kapuso month sa GMA.
 
Afternoon Prime

Sundan ang kuwento nina Maricar, Rico, Earl at Tessa sa The Borrowed Wife. Ngayong ipinakita na ang bagong mukha ni Maricar at ipinakilala na siya bilang Sophia, magbabago na rin kaya ang kanyang tadhana? Malalaman pa kaya niya na hindi si Earl, kundi si Rico ang tunay niyang mahal? Makakapaghiganti pa ba siya sa dati niyang kaibigang si Tessa na umagaw sa asawa niyang si Rico?

Sa Magkano Ba Ang Pag-ibig, tuloy pa rin ang pagsubok sa buhay ni Eloisa. Inakala niyang ang kanyang asawang si Bobby ang pumatay sa ama niya ngunit si Margot ang may pakana ng lahat. Galit na galit din kay Eloisa ang kanyang pamilya dahil sa kanyang pagkampi kay Bobby. Sino ang masasandalan ni Eloisa ngayon? Si Bobby ba na napamahal na sa kanya o si Lucio na una niyang minahal?

Sa Villa Quintana, talagang pinaghihiwalay sina Lynette at Isagani ng kani-kanilang pamilya. Ipapadala na si Lynette sa States ng kanyang lolo habang bantay sarado ng kanyang ina si Isagani kaya hindi sila maaaring magkita ni Isagani. Inaakala rin nina Lynette at Isagani na magkapatid sila kaya pilit nilang kinalilimutan ang isa’t isa kahit nagmamahalan sila. Magkakatuluyan kaya sila?

Sa Paraiso Ko’y Ikaw, hinahanap pa rin ni Edward ang asawa niyang si Teresa. Hindi niya alam na napadpad na ito sa Isla de Amor. Matutukso kaya ni Yvette si Edward habang wala si Teresa? Tunghayan din ang pagkakaibigan nina Josephine at Tupe. Ano ang koneksyon nila kina Edward, Teresa at Yvette? Mauuwi rin ba sa pag-iibigan ang namamagitan sa kanilang dalawa?


 
Telebabad

Sa Adarna, patuloy pa ring nilalabanan ni Ada si Garuda upang mailigtas ang kanyang ina. Nagkakabanggaan sina Migo at Falco dahil pareho silang umiibig kay Ada. Ang kaibigan naman ni Ada na si Bok ay taong ibon din pala. Siya si Agalon, na kapatid ni Garuda. Tuluyan na ba siyang magiging kaaway? Sino kina Migo, Falco at Bok ang tunay na nararapat para kay Ada?

Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw na si Carmela ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa kahit na marami siyang pagsubok sa buhay. Nagkasakit ang kanyang Lola Wagay at hirap siyang makabayad ng kanyang tuition sa kolehiyo, ngunit may nakilala siyang lalaking walang katulad sa puso niya - si Yago. Magbago kaya ang tingin ni Carmela kapag nalaman niyang apo pala ito ni Fernando?

Sa Rhodora X, unti-unti nang lumalabas ang isa pang pagkatao ni Rhodora na si Roxanne. Di tulad ni Rhodora na mabait, mahiyain at simple, malakas ang dating ni Roxanne. Prangka siya, walang takot at lapitin ng mga lalaki. Paano kung akitin niya ang fiancé ng kapatid niyang si Angela na si Joaquin? Mahulog din kaya ang loob ni Joaquin sa kanya?
 
Subaybayan ang mga teleseryeng puno ng puso na handog ng GMA ngayong Kapuso month. Para makatanggap ng updates, mag-log on lamang sa www.gmanetwork.com.  -- Samantha Portillo, GMANetwork.com