GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Ate Glow na impersonator ni CGMA, nakatakdang ikasal sa British boyfriend

February 13, 2014 11:51pm
May kakaibang glow sa kilalang impersonator ni dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Congresswoman na si Gloria Arroyo na si Ate Glow. Dahil daw ito sa masaya nitong love life sa piling ng kaniyang Briton na boyfriend. Katunayan, pinaghahandaan na raw niya ang kanilang kasal na posibleng mangyari sa Hunyo.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa "Chika Minute" ng GMA news "24 Oras" nitong Huwebes,  ikinuwento ni komedyanteng si Ate Glow  na nag-propose na sa kanya ang kanyang boyfriend na nasa London.  

Basahin: Ang buhay at pag-ibig ni Rene Boy 'Ate Glow' Facunla



Sa social media lang daw sila unang nagkakilala. Matapos magkita at personal na magkakilala nang magpunta siya sa London, nagtuloy-tuloy na ang kanilang pag-iibig at ngayon ay halos isang taon na raw silang magkarelasyon.

Ayon pa kay Ate Glow, hindi niya hinanap o inasahan na magkakakilala silang dalawa.

Bilang bahagi ng preparasyon sa kasal, inaayos na raw niya ang sarili para maging maganda sa kanyang wedding day.

Kasama na umano rito ang breast augmentation na suportado naman daw ng kaniyang pamilya. Maging ang fiancee ay tanggap ang ginagawa niyang pagbago sa sarili.

Nakatakdang bumalik sa London si Ate glow at baka raw sa Hunyo isagawa ang kanilang simpleng kasal. -- FRJ, GMA News
Go to comments