GMA News Online
Opinion

Postscript ni Jessica Soho: Basura

February 21, 2014 11:30pm
Mula abroad, ang madalas na natatanggap ng marami sa atin, balikbayan box na puno ng mga mapapakinabangang bagay. Hindi basura katulad ng bigla na lang dumating sa Manila International Container Port mula Canada kamakailan. 
 
At hindi lang pala ngayon nangyari iyan dahil mula Hunyo hanggang Agosto nitong nakaraang taon, 50 container van ng basura ang dumating mula Canada. Gamit na mga diaper, sira-sirang plastic, lumang junk ng mga bahay. 
 
Nakakainsulto at nakapanlulumo lalo na't hindi makakailang may dalang banta ang mga ito sa ating kalikasan at sa kalusugan at kaligtasan natin. Tambakan na ba tayo ng basura mula sa ibang bansa? 
 
Simula pa noong dekada 60, ipinagbabawal na ng batas ang pag-aangkat ng mga segunda manong damit at tela. Pero hindi ba't hanggang ngayon, buhay na buhay ang industriya ng ukay-ukay o wagwag sa bansa? 
 
Taon-taon, tone-toneladang pinaglumaang electronic devices din ang inaangkat ng Pilipinas mula Amerika, Thailand, Japan at South korea. Mabenta rin dito ang mga reconditioned o pinaglumaang sasakyan ng ibang bansa. 
 
Marahil grasya nga ang tingin ng marami sa mga surplus at mga pinaglumaang gamit ng ibang bansa. One man's trash is another man's treasure, sabi nga nila. Pero hindi po dumpsite ang Pilipinas. Panahon na para ibasura ang pag-aangkat ng basura.
 


Ang “Postscript” ay binabasa ng anchor na si Jessica Soho sa dulo ng mga “SONA” newscast sa GMA News TV.  — GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus