GMA News Online
Showbiz

Ang panganib sa buhay ni 'Carmela,' at laban ni Mayor Fernando

March 18, 2014 3:36pm
"Walang laban na hindi ako ang nananalo. Lahat ng gusto ko ay lagi kong nakukuha. Ako ang pinakamakapangyarihan dito sa Sta. Maria. Umiwas man siya, hindi magtatagal ay makukuha ko rin si Catarina." Ang deklara ni Mayor Fernando na maglalagay sa panganib kay Carmela.

Matagal na panahon na mula nang makaramdam ako ng ganitong pagnanasa para sa isang bagay, isang tao. Kapag mas lalo akong nahihirapang makuha ito, mas nae-enganyo akong angkinin ito, katulad ni Amanda noon.

Nagawa kong dispatsiyahin ang asawa ni Amanda at kahit ilang beses siyang tumanggi ay nakuha ko pa rin siya. Kahit nilabanan niya ako, ako pa rin ang nagtagumpay. Naipakulong ko pa siya dahil sa ginawa niyang paninira ng aking pangalan. Wala na si Amanda ngayon.



Si Catarina na ang gusto kong makuha ngayon. Mabuti na lang at sekretarya ko siya sa munisipyo. Kaso nga lang, sadyang napakaliit ng mundo, dahil ito palang Catarina na ito ay ang babaeng nililigawan ni Yago sa Maynila.

Matagal ko ring itinago kay Yago na ang Catarina niya sa Maynila at ang Catarina na dayo dito sa Sta. Maria ay iisa. Galit na galit si Yago nang malaman niya, but we made a deal. Huwag ko daw sasabihin kay Catarina na apo ko siya. Sinabi kong tutupad ako sa usapan, but who am I kidding? Siyempre, mayroon akong sariling paraan para malaman ni Catarina na iisa ang dugong dumadaloy sa amin ni Yago. Pababayaan ko bang sa apo ko pa mapunta ang babaeng kinababaliwan ko?

Kinausap ko si Ramon tungkol dito. Iba itong Catarina na ito, sabi ko. Mas gusto ko pa siya kaysa kay Amanda noon. Aba, pinangaralan pa ako ni Ramon. Nagbabalik daw ako sa dati kong gawi. Anong magagawa ko? Ganito na talaga ako. Sinabi na lang ni Ramon na huwag kong sabihin na hindi niya ako pinaalalahanan. Hindi ko naman siya idadamay.

Lalo pang tumitindi ang pagkagusto ko kay Catarina dahil araw-araw na lang ‘pag umuuwi ako sa bahay, tinatalakan lang ako ni Fides o inaaway niya si Janine. Si Trixie naman, laging lasing. Si Yago, lagi na lang akong kinokontra.

Isa pa ‘yang si Dante. Alam kong patay na patay din siya kay Catarina. Sinabihan ko na siya noon na layuan ‘yung babae. Ngayon naman, ako ang idinidiin. Ang pagkakaiba daw namin ay hindi siya namimilit ng babae. Paano naman kaya nalaman ni Dante ang mga plano ko kay Catarina?

Oo, isinama ko si Catarina sa hotel. Ang kaso, nanlaban siya at mukhang mage-eskandalo pa. Hindi rin nakatulong na biglang may kumatok sa kuwarto. Hindi na natuloy ang balak ko kay Catarina. Ang lakas ng loob niyang tumanggi sa akin! Nag-resign pa bilang sekretarya ko.

Tulad ng sinabi ko, akin ang laban na ito. Unti-unti ko nang tinutulak si Catarina hanggang sa wala na siyang ibang magagawa kundi sumunod sa gusto ko. Inutusan ko na ‘yung Delia na kumukupkop sa kanya na paalisin doon si Catarina. Tinakot na rin siya ni Ramon. Ano pa ang laban niya sa akin? Kaunting kaunti na lang, magiging akin ka rin, Catarina. -- GMANetwork.com
Go to comments