GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Mag-iimbak ng barya, pwedeng makulong ng hanggang walong taon

June 17, 2014 6:02pm
Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na nagpapataw ng parusa sa mga mapapatunayang nag-iimbak o nagtatago ng mga barya.

Sa ilalim ng House Bill 4411 na iniakda ni Batangas Rep. Sonny Collantes, ang mga mapapatunayang nagtatago ng mga barya ay maaaring makulong ng hanggang walong taon, o magmulta nang hindi hihigit sa P300,000.

Ayon kay Collantes, pinuno ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries, inaatasan ng panukalang batas ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bumuo ng implementing rules and regulations (IRR), at magtakda kung gaano karaming barya ang maikokonsiderang "hoarding," na dapat habulin sa batas.

Maaari namang hindi mapatawan ng parusa ang mga establisimyento na nasa retail business o pagtitinda. Hindi rin saklaw ng batas ang mga charitable institutions, private banks, financial institutions at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Sinabi pa ni Collantes, na kung ang maakusahan ng pagtatago ng mga barya ay korporasyon, asosasyon, o grupo, ang mga responsableng pinuno nito ang dapat na papanagutin sa batas.

Ang mga mababawing barya ay kukumpiskahan para sa gobyerno, ayon pa sa kongresista. -- FRJ, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus