GMA News Online
Ulat Filipino
»
Dagupan

Lalaki, nalasog ang katawan nang sumabog ang nilagaring granada

June 21, 2014 10:21pm
Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 20-anyos na lalaki na nalasog ang katawan matapos sumabog ang nilagari nitong rifle propelled grenade o RPG sa San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torrida ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing halos hindi na raw makilala ang biktimang si Benjie Mendez, nangangalakal ng basura.

Ayon sa pulisiya, lumitaw sa imbestigasyon na nabili umano ni Mendez ang pampasabog habang nangangalakal ito ng basura.



Sa kagustuhang malaman ang laman ng kaniyang nabiling bakal, nilagare umano ito ng biktima at sumabog sa kanilang bahay.

Nasaktan din sa pagsabog at dinala sa ospital ang anak ni Mendez, pati na ang hipag nito at bayaw.

Nais ng pamilya ng biktima na matukoy kung sino ang nagbenta ng pampasabog sa biktima.

Problema rin nila ngayon ang pagkukunan ng pera para maipalibing ang nasawing kaanak.

Paalala naman ng pulisya, huwag nang galawin ang mga makikitang bagay na hindi nila batid kung ano para makaiwas sa disgrasya.-- FRJ, GMA News