GMA News Online
Ulat Filipino
»
Cagayan de Oro

Sinaunang libingan, aksidenteng nadiskubre sa CDO; nahukay na mga gamit, 18th century pa

August 8, 2014 8:59pm
Isang sinaunang libingan ng mga ninuno ng katutubong Higaonon ang nadiskubre sa isang bakanteng lote sa Cagayan de Oro City na pagtatayuan sana ng simbahan.

Kasamang nakita sa libingan ang ilang kalansay, mga lumang gamit at alahas na tinatayang ginagawa noong pang 18th century.

Sa ulat ni Kaye Mercado ng GMA Northern Mindanao sa GMA News TV's  "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Biyernes, sinabing nahukay ng mga construction worker ang libingan habang isinasagawa ang konstruksiyon ng isang simbahan ng Seventh Day Adventist sa barangay Tagpangi.

Kinumpirma naman ng mga katutubong Higaonon na libingan nga ng kanilang mga ninuno ang lugar na idineklarang pag-aari umano nila noong 1910.



Nasa 13 kalansay ang nakuha sa lugar na pinaniniwalaang mga labi ng kanilang ninuno.  May mga gamit at alahas ding nakita na karaniwan umanong kasama sa ritwal ng mga inililibing sa kanilang ka-tribu.

Nakatanggap naman ang simbahan ng impormasyon na may nawawalang kagamitan na kasama sa mga nahukay.

Nangako ang pulisya na hahanapin ang taong sinasabing tumangay ng antigong gamit.

Samantala, dahil sa nadiskubre, tutol na ngayon ang tribu na ituloy pa ang pagtatayo ng simbahan ng Seventh Day Adventist.

Sa halip, nais ng tribu na ayusin na lamang ang sagradong lugar bilang libingan ng mga Higaonon.

Ipinaliwanag naman ni Rev. Lino Egay ng Seventh Day Adventist, na donasyon ng isa nilang miyembro ang lote at hindi nila alam na dati itong libingan.

Hindi naman sila tutol na gawin muli itong libingan ng mga katutubo pero nakiusap silang hanapan sila ng lote na maaari nilang pagtayuan ng kanilang simbahan. -- FRJimenez, GMA News