GMA News Online
Pinoy Abroad

Laki sa hirap sa Masbate, Pinay sa Dubai nagtagumpay

April 30, 2007 3:44pm

Sa murang pag-iisip, batid na ni Josephine Domaol ang sakripisyo ng kanyang mga magulang para buhayin silang magkakapatid.

Kaya naman ngayon na mayroon na rin siyang sariling pamilya sa Dubai, sinisikap niyang mabigyan ng maginhawang buhay ang kanyang anak kahit malayo sila sa bansang kanyang pinagmulan.

Nagtatrabaho ngayon si Josephine bilang sekretarya sa Worldwide Management Consulting sa Dubai. Dito na niya nakilala ang kanyang kabiyak at naging bunga ng kanilang pagmamahalan ang limang taong gulang na si Camille.

Nalathala na sa Gulf News sa UAE ang makulay na kwento ng buhay ni Josephine sa artikulong isinulat ni Qadijah Irashad.

Kuwento ni Josephine, noong bata siya ay lagi niyang inaabangan ang pagsapit ng Biyernes dahil ito ang araw na mabubuo ang kanilang pamilya sa Masbate.

Dahil sa kahirapan, napilitan ang kanyang mga magulang na magtrabaho sa Maynila at naiiwan sila ng kanyang kapatid na lalaki sa kanilang tiyahin.

Manggagawa sa isang pabrika ang kanyang ina at taxi driver naman ang kanyang ama sa Maynila. Tuwing weekend lamang nabubuo ang kanilang pamilya kapag umuuwi ang kanilang magulang sa lalawigan.

Ngunit nang panahong iyon, walong oras ang kailangan ibiyahe ng kanyang mga magulang sa pagtawid ng dagat para marating ang Masbate mula sa Maynila.

Kaya naman pagod na rin ang kanyang ama’t ina kapag nakarating sa kanilang bahay.

Gayunman, sinisikap nilang samantalahin ang maigsing panahon upang gawing masaya ang kanilang pagsasama.

Sa pagkabata nabuo sa isipan ni Josephine ang mga eksena na laging magkasama ang kanilang pamilya, masayang nakukuwentuhan habang nakahiga sa kama, nakakakain ng masasarap at nakapag-aaral sa maayos na unibersidad.

Isang araw, ibinalita ng kanyang mga magulang na isasama na silang magkapatid sa Maynila.

Bagaman buo na ang kanilang pamilya sa buong linggo, hindi naman masyadong nagbago ang kanilang buhay—mahirap pa rin.

Kailangan pa ring kumayod ng husto si Tatay at Nanay hanggang dis-oras ng gabi upang maigapang ang kanilang pag-aaral at magkaroon ng makakain.

Nagdadalaga na si Josephine nang magkaroon ng panibagong miyembro ang kanilang pamilya, buntis ang kanyang ina kaya naman kinailangan itong tumigil sa pagtatrabaho ng ilang buwan.

Edad 15 tumigil muna si Josephine sa pag-aaral at pumasok sa isang pabrika ng tela para kumita habang nagpapahinga ang kanyang ina dahil sa panganganak.

Masakit man sa dibdib ang tumigil sa pag-aaral, alam ni Josephine ang kanyang pananagutan sa pamilya. Ngunit hindi naman ito tumagal dahil nang maayos na ang kalusugan ng bunso niyang kapatid ay bumalik na uli sa trabaho ang kanyang ina.

Sa pagkakataong ito, pansamantala siyang naging “yaya" habang hinihintay ang pagbubukas muli ng klase sa susunod na pasukan. Aniya, ang mga ganitong karanasan ay nagpalawak sa kanyang isipin na mayroon pagkakataon na kailangan magsakripisyo para sa kabutihan ng mas nakararami.

Sinikap ni Josephine na makatapos ng high school. Ngunit dahil nga sa kahirapan, kahit nakapasa siya sa entrance examination sa Polytechnic University of the Philippine (PUP), mas pinili na niyang subuking mag-apply ng trabaho upang makatulong sa kanyang mga magulang.

Isang malaking tindahan ng mga laruan ang nakita niyang nangangailangan ng trainees ngunit kasama sa requirements ay ang pagkakaroon ng dalawang taon sa kolehiyo.

Bagaman hindi nakarating kahit first year sa kolehiyo, sinuong ni Josephine ang pagsubok. At tulad ng kanyang inaasahan, ibinutas sa kanyang aplikasyon ang hindi pagkakaroon ng edukasyon sa kolehiyo.

Subalit naging matibay si Josephine, hiniling niya sa management na bigyan siya ng pagkakataon na ipakita ang kanyang kakayahan at hindi dahil lamang sa narating ng kanyang edukasyon.

Hindi naman nabigo si Josephine, natanggap siya sa trabaho at pagkaraan ng dalawang taon ay nagtungo na siya sa Dubai para sa iba pang mas malaking oportunidad hanggang sa makilala ang lalaki na kanyang naging kabiyak sa buhay.

Sa kabila ng napakaraming pagsubok, sinabi ni Josephine na wala siyang pinagsisihan dahil ito ang nagpatibay sa kanya upang higit na magpursigi sa buhay.

Sa kanyang paglingon sa nakaraan, wala siyang luha na nais sayangin kundi pasasalamat sa mga biyayang kanyang nakamit. - Fidel Jimenez, GMANews.TV
Go to comments