PNP: 111 patay, 120 sugatan kaugnay ng halalan
Umabot na sa 111 ang bilang ng mga namatay mula sa 167 insidente ng karahasang may kinalaman sa eleksyon at 120 naman ang kabuuang bilang ng mga nasugatan, ayon sa datos ng Philippine National Police nitong Linggo. Ito ang lumabas na bilang sa kabila ng patuloy na paniniwala ni PNP chief Director General Oscar Calderon na hindi magiging kasing dugo ng mga nakaraang eleksyon ang botohan sa Lunes. Hinikayat ni Calderon ang mga kandidato at taga-suporta nila na panatilihing malamig ang mga ulo sa gitna ng matinding labanan sa pulitika. "Paki-usap po namin sa mga kandidato na (kaunting) lamig (ng) ulo, kayo dapat ang may control sa inyong mga supporters. I would like to reiterate my appeal to the candidates and supporters to be calm. I also urge candidates to lead by example and dissuade their supporters from engaging in criminal activities (Nais kong ulitin ang panawagan ko sa mga kandidato at taga-suporta niyo na maging kalmado. Hinihikayat ko rin ang mga kandidato na magsilbing magandang halimbawa at huwag hayaang manggulo ang mga taga-suporta nila)," sabi ni Calderon sa isang media forum sa Camp Crame nitong Linggo. Noong 2004 presidential elections, may kabuuang 189 katao ang namatay samantalang 279 naman ang naiwang sugatan sa 249 mga insidente ng karahasang may kinalaman sa eleksyon. Noong 2001 naman, 132 katao ang nasawi habang 302 ang nasugatan sa 269 na mga insidente. Upang matiyak ang isang maayos at mapayapang pagsasagawa ng eleksyon sa Lunes, sinabi ni Calderon na inatasan na niya ang lahat ng regional, provincial at municipal police commanders ng PNP na siguraduhing makaboboto nang walang pananakit at pananakot ang may 45 milyong botante. Isinailalim na ng Comelec sa pangangalaga nito ang limang probinsya: Abra, Masbate, Nueva Ecija, Kalinga, at Isabela; dalawang lungsod: Valencia City sa Bukidnon at San Carlos City sa Pangasinan; at apat na munisipalidad â Monkayo sa Compostella Valley; Sta. Fe, Madridejos at Bantayan Islands sa Cebu. Kasabay nito, nanawagan si Calderon sa mga pulis sa buong bansa na manatiling neutral, apolitical at iwasang makisangkot sa anumang gawaing pulitikal. - Mark D. Meruenas, GMANews.TV