Joselito Cayetano inalis ang pangalan sa San Juan
Inaalis na sa mga ballot secrecy folders sa San Juan, Metro Manila, ang pangalan ni Joselito "Peter" Cayetano, ang kandidato ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) sa pagka-senador na idineklarang "nuisance candidate" ng Commission of Elections (Comelec) ilang araw bago ang halalan nitong Lunes. Ayon sa balita ng GMA News, binigyan ng Comelec ng limang araw para umapela si Cayetano sa reklamo ng kanyang karibal na si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ng Genuine Opposition. Nang nakaraang linggo, sinabi ni James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, na lahat ng balotang "Cayetano" lang ang nakasulat ay ituturing na "stray vote" o ligaw na boto, at di isasama sa bilangan. Kaya naman umapela ang kongresista ng Taguig na lahat ng gustong bumoto sa kanya ay isulat ang buong pangalan niyang Alan Cayetano para hindi masayang ang kanilang balota. - GMANews.TV