Pamamahagi ng election materials naantala sa Marawi
Dagsa ang tao sa labas ng City Hall ng Marawi City sa Lanao del Sur Lunes ng umaga dahil hindi pa naipamamahagi ang mga election materials sa mga barangay gayung umpisa na dapat ang oras ng botohan. Sa special coverage ng GMA 7 Eleksyon 2007, ipinakita sa pamamagitan ng 3G video ang footage ng mga taong naghihintay at nagbabantay na rin sa labas ng munisipyo ng Marawi. Nagmistulang may people power sa labas ng city hall dahil sa dami ng tao na kinabibilangan na rin ng mga botante, poll watchers ng mga kandidato, at election inspectors. Ngunit sa halip na mga sundalo, mga kagawad ng Philippine National Police (PNP) ang nangangalaga sa seguridad ng lugar. Mayroon ding ilang tao na nangangamba na baka pagmulan ng kaguluhan at dayaan kung patuloy na maantala ang pamamahagi ng mga election materials ngayong araw. - Fidel Jimenez, GMANews.tv