Pacquiao, nanguna sa listahan ng top taxpayers sa bansa; ilang artista, pasok sa top 20
Si Pambansang Kamao at Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang may pinakamalaking binayarang buwis noong 2013, batay sa listahan ng individual taxpayer na inilabas ng Bureau of Internal Revenue.
Sa ulat ng GMA's "24 Oras" nitong Sabado, sinabing batay sa listahan ng BIR, nagbayad si Pacquiao ng buwis na umaabot sa P163,841,853 batay sa "regular income tax payments as of November 24, 2014."
Sumunod naman kay Pacquiao sina Juanito Pornuevo Alcantara (P99,612,000); Estelito Mendoza (P73,185,375); Reynaldo Chico (P67,340,888); Andrew Tan (P67,184,002); Lorenzo Tan (P60,894,276); Jose Alvarez (P55,627,417); Vivian Azcona (P51,617,174.69); Oscar Reyes (P51,440,314); at Vicente Rafael Ayllon (P50,088,841).
Kasama naman sa top 20 ang San Miguel Corporation CEO na si Ramon Ang (P46,471,324), ang mga celebrity na sina Piolo Pascual (P42,533,158), John Lloyd Cruz (P41,976,592), Kris Aquino (P40,481,146), Sharon Cuneta (P39,049,235), at Willy Revillame (P38,305,824). -- FRJ, GMA News