ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Believe and fight for your dream - OFW in Saudi


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Believe and fight for your dream Ni Paquito J. Perez Bago ko umpisahan ang aking kuwento ay nais ko munang kumustahin lahat ng kababayan ko d’yan sa Pinas na sana ay kapulutan ng aral ang aking maikling kuwento ng buhay ko bilang isang OFW at kung paano ako naging OFW. Lima kaming magkakapatid at pangatlo po ako. Taong 1997, fourth year high school pa lamang ako nang biglaang namatay ang aking magiting na tatay na isang tapat at matalinong pulis, kaya inisip ko kung paano ako makapagpapatuloy sa aking pag-aaral sa kolehiyo. Kahit may pension kami ay sapat lamang, kaya nung nag-aral na ako sa kolehiyo ay pinagbuti ko ito para maging scholar ako hanggang nakapagtapos ako sa kursong Bachelor of Science in Accountancy taong 2002. Pagkagraduate ay nagdesisyon ako na lumuwas ng Manila para kumuha ng board exam. And dami kong narinig na sumbat sa kapatid ko kung bakit daw ako nagmamadali sa pagkuha ng exam> Nagpursige pa rin ako kahit ang dala ko lang na pera noon ay P1,000 papuntang Manila. Sumama ako sa kaibigan ko na may kakilala sa Sampaloc. Doon ako nakitira. Kinausap ko ang landlady namin na kung pwede ay saka ko na lang babayaran ang bayad sa upahan pati na ang pagkain ko sa pang-araw-araw kapag nakapagtrabaho na ako after ng board exam. Sa madaling salita, pumayag naman kaya tumutulong na din ako sa mga gawaing bahay. Pagkatapos noon, nakiusap din ako sa isang reviewer na kung pwede ay kunin n’ya ako bilang isang scholar. Pumayag na naman, kaya ang saya-saya ko nun kaya mas pinagbuti ko ang aking pagrereview. Kahit pala gaano kalakas ng utak mo kung wala kang pera ay manghihina ka din. Kahit pambili lang ng candy ay wala. Magkasakit ka wala kang ibibiling gamot hanggang sumapit ang araw ng exam. Ilang araw bago ang exam ako ay nagkasakit,kahit na medyo masama pa rin ang pakiramdam pati na ang kalooban ko na puno naman ng inspirasyon,ipinagpatuloy ko ang pagkuha ng exam sa tulong ng Panginoon. Hindi ko naipasa pero hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa. Agad akong naghanap ng trabaho. Nagpalipat-lipat ako ng trabaho. Naging Accounting Staff, Accountant at System trainor sa isang Accounting Software company. Taong 2004 nang nagtagpo kami sa Manila ng niligawan ko nung High school. Hanggang taong 2005, kami ay nagpasya na magpakasal. Kahit walang kapera-pera ay pinagpatuloy ko pa rin. Kahit na ayaw na naman ng kapatid ko pati na ng mga relatives ko. Kung bakit daw pakakasalan ko pa sa simbahan, hindi na lang sa huwes. Saan daw ako kukuha ng pampapakasal. Hindi ako nawalan ng pag-asa. Nagkautang-utang ako. Sa sobrang kabaitan at pagmamahal ng Panginoon, ito ay nalampasan. Natapos din ang kasal,taon ding yun ako nagdesisyon na umalis papuntang Saudi. Kahit hindi ko pa nakikita ang magiging anak ko. Masakit man sa kalooban,ako ay umalis dala ng kahirapan na punong-puno ng inspirasyon at mga pangarap sa buhay. Tatlong araw pagkaalis ko, kami ay nabiyayaan ng isang malusog at sobrang makulit at malikot na babae. Pati pang placement fee ay inutang ko na naman. Kahit mataas ang interest, pinatulan ko para lang makaalis sa lupang kinagisnan. Ako ay nagtrabaho bilang isang branch accountant dito sa Saudi. Kahit na bagong kasal pa lang, at di ko pa nakikita ang anak ko, ako ay nagtiis at nilabanan ang aking pangungulila. Mahirap ang maging OFW, kahit na ibat-ibang tao nakikilala mo,ibat-ibang ugali pakikisamahan mo. Dito pala sa abroad, iba ang matatagpuan mo na mga kababayan natin, lalung-lalo na ang mga ibang lahi. Ilan lang ang masasabi mo na matino at may prinsipyo sa buhay. Andyan yung asa-asawahan magkabilaan, traydoran, lokohan, plastikan at mga bisyo na mga walang kuwenta. Dala na rin ng pagka-homesick ko, ako ay nagdesisyon na umuwi sa Pinas kahit di pa natatapos ang kontrata ko para lang makita ang pamilya ko. Pagdating sa Pilipinas, ganun din na naman ang mga problema ko. Mas nadagdagan pa. Ang mga kapatid na sinusuportahan ko, hindi nag-aral > Pinahinto ko na lamang. Nandyan yung kapatid ko na adik, kapatid na makasarili at walang galang sa magulang. Nakalipas ang ilang buwan, ako ay nagpasya muli na mag-abroad dahil sa mga panlalait at sumbat ng biyenan ko. Kasalukuyan ako ngayon ay nasa isang government hospital, nangangarap na makapagpatayo ng bahay doon sa nabili kong lupa sa bayan namin at mabigyan ng kaginhawaan ang pamilya ko. Sa buhay, hindi dapat tayo susuko. Harapin ang anumang problemang dumating. Magdasal lagi at maging totoo tayo sa ating sarili at lalo na sa ating Panginoon. At payo sa mga may balak na mag-abroad, huwag basta-basta magtiwala, lalong-lalo na sa kapwa Pilipino.