Trillanes ipoproklama nang pang-11 senador
Nakatakdang iproklama sa Biyernes ng umaga ng Commission on Elections (Comelec) bilang National Board of Canvassers (NBC) si Genuine Opposition (GO) senatorial candidate Antonio Trillanes IV bilang ika-11 senador na nanalo sa kakatapos na May 14 elections. Ang desisyon ay nabuo matapos bilangin nitong Huwebes ng NBC ang mga boto mula sa lalawigan ng Surigao del Norte kung saan nakakuha si Trillanes ng 44, 604 boto. Dahil dito, umabot na sa 11,138,067 ang kabuuang boto na nakuha niya sa nagdaang halalan. Bagaman pang-16 lamang si Trillanes sa Surigao del Norte, napanatili pa rin niya ang malaking agwat sa kapwa GO candidate na si Aquilino âKoko" Pimentel III (12th) at Team Unity (TU) contender na si Juan Miguel Zubiri (13th). Pang-10 si Pimentel sa nakakuha ng pinakamaraming boto sa Surigao del Norte na 56,165, habang kasunod niya si Zubiri na may 56,011 boto. Matapos bilangin ang mga boto sa Surigao del Norte, si Pimentel ay may kabuuang boto na 10,865,397 kontra sa mga boto ni Zubiri na 10,753,836. Tanging mga boto na lamang mula sa Maguindanao at 12 presinto sa Basilan ang hindi pa nabibilang ng NBC kung saan umaabot sa 360,000 ang rehistradong botante. "I really believe it is mathematically impossible to overcome the lead of Mr. Trillanes. In view of this, the board has decided to have a partial proclamation again, in favor of Mr. Trillanes," ani Benjamin Abalos, pinuno ng NBC at Comelec. Ikinalugod naman ni Atty. Adel Tamano, tagapagsalita ng GO, ang desisyon ng NBC ngunit hindi pa umano lubos ang kanilang kasiyahan dahil nakabitin pa ang proklamasyon ng isa pa nilang kandidato na si Pimentel. Itinakda ng NBC ang proklamasyon ni Trillanes 9:30 am ng Biyernes bago simulan ng Comelec ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na halalan sa Maguindanao. Umaasa naman ang abogado ni Trillanes na si Rey Robles na pagbibigyan ng korte ng kanyang kliyente na makalabas ng piitan upang makadalo sa sarili n'yang proklamasyon. Nakakulong sa Marine headquarters sa Fort Bonifacio si Trillanes dahil sa kasong kudeta na kinakaharap nito bunga ng pagsakop nila sa Oakwood Hotel sa Makati noong July 2003. Tiniyak naman ni Robles na hindi magiging sagabal ang piitan para tuparin ni Trillanes ang tungkulin nito bilang senador. "Nakikita kong lalo nga siyang magiging focus sa trabaho niya kasi imagine-in mo siya ay gagawa ng batas..paggising niya wala naman siyang ibang gagawin kundi magtrabaho," aniya. Idinagdag ni Robles na: "Hindi siya pwedeng magbulakbol, hindi siya puwedeng mamasyal sa mall o hindi siya pwedeng mag-night club. So, sa tingin ko mas magiging focused siya sa trabaho niya." Sa ngayon, ayon kay Robles, tinatayang 20 panukalang batas na ang planong ihain ni Trillanes na pawang may kinalaman sa isyu ng korupsyon, paglutas sa kahirapan at pagpapaunlad ng edukasyon sa bansa. Idinagdag ni Robles na wala rin umanong balak si Trillanes na gamiting dahilan ang kanyang pagiging senador upang makalabas ng kulungan. "Ang sabi sa akin ni Capt. Trillanes, ayaw niyang abusuhin ang tiwala ng taumbayan. He does not want to use this as a ticket, as a way out dun sa kanyang detention. Walang problema sa kanya kung kailangang umuwi siya sa selda pagkatapos ng sesyon sa Senado," anang abogado,"- Fidel Jimenez, GMANews.TV