OFW pinugutan sa Riyadh 'di na maiuuwi sa pamilya
Malungkot ang pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na si Reynaldo Cortez na pinugutan sa Saudi Arabia nitong Miyerkules dahil malabo nang maiuwi ang labi niya sa Pilipinas. Sa ulat ng GMA 7 news 24 Oras nitong Huwebes, napag-alaman na nagpalit ng relihiyon si Cortez ng Islam bago pa siya masakdal sa kasong pagpatay sa isang Pakistani noong 2002 sa Riyadh, Saudi Arabia. Sa ilalim ng tradisyon ng Islam, kailangang ilibing ang isang namatay sa loob ng 24 oras. Kaya naman nagkasya na lamang ang asawa ni Cortez na si Melody at anim nilang anak na paglamayan sa Guagua, Pampanga ang tatlong larawan na naiwan bilang ala-ala ng namayapang OFW. Bukod sa pagpapalit ng relihiyon ni Cortez, naging balakid din sa pag-uwi ng kanyang labi ang umiiral na batas sa Saudi na nagbabawal na ilabas sa kanilang bansa ang mga dayuhang isinalang sa kanilang pinakamabigat na parusa. Patuloy pa rin ang hinanakit ni Melody dahil sa kanilang paniwala na pinabayaan ng pamahalaan ang kanyang asawa. Ikinuwento ng anak nilang si Girlie na tumawag ang kanyang ama noong Hunyo 10 at umiiyak itong naglabas ng sama ng loob sa nagiging takbo ng kanyang kaso. âSabi n'ya malungkot siya dahil nangangamba nga siya baka bukas pupugutan na siya ng ulo. Sabi ko wala bang balita sa hearing n'yo, wala daw dahil hindi daw ipinapaalam sa kanya kung kailangan sila maghi-hearing ulit," kuwento ni Girlie. Sa kabila naman ng nangyari kay Cortez, desidido naman ang isa pa niyang anak na si Alfie na magtrabaho rin sa ibang bansa upang makatulong sa pamilya. Katatapos lang ni Alfie ng kursong vocational ngunit hinding-hindi umano siya magpapadestino sa Middle East. Dahil si Melody ang nagtataguyod sa anim na anak mula nang makulong ang asawa, umaasa pa rin siya sa tulong na maibibigay ang pamahalaan para sa kanyang pamilya. - Fidel Jimenez, GMANews.TV