Party 'clown' now a teacher in Saudi
Dear Pinoy abroad, Magandang araw sa inyong lahat, Habang ako ay nagpa-part-time dito sa Saudi bilang isang secretary, naisip kong sumulat sa inyo dahil may pagkakataon ako na gumamit ng Internet. Ako ay si Herwin S. Gatdula, isang guro sa kasaysayan dito sa isa sa Philippine Schools sa Saudi. Gusto ko lamang ikwento ang aking nakaraan bago ako maging isang guro. Sana kahit paano ay mapulutan ninyo ng aral. Bata pa lang ako ay gusto ko nang maging guro dahil sa naririnig ko marami sa mga kaklase ko ang ayaw sa propesyon na ito. Sinabi ko sa aking mga magulang na ito ang propesyon na nais ko, subalit alam kong malabo na ako ay makapagtapos ng pag-aaral dahil ang aking ama ay isang drayber ng pampasaherong dyip, Subalit sa prinsipyo ng aking magulang, pinilit niya kaming pag-aralin, Lima kaming magkakapatid subalit namatay ang isa noong ako ay nasa ika-anim na baitang. Pagtungtong namin sa High School, alam ko hirap na ang aking magulang sa pagpapaaral sa amin. Pero hindi kami tumigil sa pag-aaral kasi nakikita ko ang pagsisikap ng aming ama na pagtapusin kami, Sa edad na labing dalawa, nagsimula akong magtrabaho bilang isang clown o party host. Tuwing Sabado at Linggo ako ay nagtratrabaho. Ang aking kinikita sa pagka-clown ay gimamit kong pambaon at mga gastusin sa paaralan para hindi na maging pabigat sa kanila. Bata pa lang kami wala na kaming maituturing na maayos na tahanan, dahil kami ay nakikitira lang sa bahay ng aking lola, Tuwing umuulan, lalo na sa madaling araw, kami ay lumulutang sa tubig dahil pinapasaok ng baha. Kaya isa lang ang naging pangarap ko sa buhay, ang maibili ng bahay ang aking magulang na maituturing nila na sa kanila. Nakatapos ako ng high school. Alam ko na hindi na kakayanin ng magulang ko na pag-aralin kami subalit sinimulan kong kumuha ng mga entrance exam sa mga pampublikong paaralan. Sa awa ng Diyos ako ay nakapasa sa Philippine Normal University. Dito ko kinuha ang aking kurso. Wala man akong matrikula, kailangan ko pa ring magtrabaho. Pinagsabay ko ang pag-aaral at trabaho. Nagtrabaho ako bilang service crew sa Jollibe at Greenwich at ang pagka-clown. Dahil sa sipag at tiyaga, ako ay nakatapos ng pag-aaral, Nakapagtrabaho agad ako sa isang pribadong paaralan at dahil sa aking pagsisikap ako ay napromote na subject area coordinator. At dahil dito ay nakabili ako ng bahay na hulugan para sa aking mga magulang. Ngayon, kaming tatlong magkakapatid ay propesyonal nang lahat dahil sa aming pagtutulungan at isa na lamang ang nag-aaral ng kolehiyo. Subalit hindi ko kinalimutan ang trabahong tumulong sa akin, ang pagka-clown,. Hanggang ngayon ay ginagawa ko pa ito kahit dito sa Saudi. Ngayon ay mayroon na akong adopted daughter. Kinuha ko ito dahil gusto kong mabuhay ang bata na ito na itunuring kong tunay na anak at ganun din ang aking mga magulang. Ngayon ay nandito ako sa Saudi, nagtratrabaho bilang guro at patuloy kong sinusuporthan ang aking pamilya pati na rin ang iba kong kamag-anak. Ang hanggad ko ay makatulong sa kanila. Ngayon, tatapusin ko ang aking kontrata at muling babalik sa Pilipinas upang pagsilbihan ang aking bansa at makasama ang aking pamilya. Ngayon ko nalaman na mas masarap ang maging masaya kasama ang pamilya kahit walang gaanong pera. Sa aking pagbabalik, gusto kong makapagsilbi sa aking bayan bilang isang public servant katulad ng mga sikat na reporter ng GMA news team. Pipilitin kong makapasok at maging bahagi ng inyong pangkat. Sana maibahagi ninyo ang aking kasaysayan sa publiko upang kahit papaano ay mapulutan ito ng aral. Naniniwala ako na ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay Marami pong salamat sa inyo. Pagpalain po sana tayong lahat ng poong Maykapal. Ang inyong tunay na KAPUSO, Herwin