GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Mga tanawin sa Pyongyang, North Korea

June 27, 2007 11:36pm
Pagtapak pa lang sa Pyongyang, ang North Korean capital, kitang-kita na kung paano nila ilagay sa pedestal ang kanilang mga lider.

Sa mga gusali ay may mga mural ng kanilang 'Great Leader' na si Kim Il Sung, at ang anak nitong si Kim Jong Il, ang kasalukuyang pinuno ng bansa na 'Dear Leader' kung tawagin nila.

Ipinasyal ng North Korean officials ang delegasyon ni Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo at ang GMA news team sa estatwa ng namayapang si Kim Il Sung. Itinayo ito noong ika-animnapung kaarawan ni Kim Il Sung taong 1972.

Mataas ang pagpapahalaga ng mga taga-North Korea sa kanilang 'Great Leader' na si Kim Il Sung. Siya ang nagtatag ng Korean People’s Army, ng Workers Party of Korea at ng kanilang republika.

Ang tower of Juche idea na simbulo ng kanilang ideolohiya ng pagiging self-reliant, binubuo ng 25,550 na bloke ng granite. Isang bloke para sa kada araw ng buhay ni Kim Il Sung noong ipagdiwang niya ang kanyang ika-pitumpung kaarawan taong 1982. Kitang-kita mula sa itaas ng toreng may taas na 170 meters ang Pyongyang skyline.

Sa ancestral home naman ni Kim Il Sung sa Mangyongdae, makikita ang mga lumang kagamitan.at larawan ng kanilang Great Leader.

Sa Mansudae art studio naman, matatagpuan ang mga likha ng kanilang mga national artist.

Panay ding dinadala ang mga turista sa USS Pueblo, ang spy ship ng Amerika na hinuli ng mga Korean army noong 1968. Trophy ang turing dito ng North Korea.

Base sa kasaysayan, sinasabi ng North Korea na nasa teritoryo nila ang pueblo nang kanila itong salakayin, bagay na kinokontra ng Amerika sa pagsasabing nasa international waters daw ang barko nang mangyari ang pag-atake.

Isang US sailor ang namatay nang salakayin ito ng Korean army. Ikinulong naman sa loob ng halos isang taon ang walumpu’t dalawa pang crew nito.

Ipinasyal din ang delegasyon sa Pyongyang Metro, ang sakayan ng tren. Marangya ang itsura nito. May makukulay na chandelier. May mural din dito si Kim Il Sung kasama ang mga manggagawa. - GMANews.TV
Go to comments