GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Hinukay sa Taal pinatatabunan muli ng DENR

July 9, 2007 9:15pm
Inutusan na ni Environment Secretary Angelo Reyes ang kumpanyang Koreano na nagtatayo ng spa resort sa Taal Volcano Island na tabunan muli ang mga hinukay sa lugar.

Ayon kay Reyes, ang pagkabigo ng Jung Ang Interventure Corp. na madaliang isagawa ang pagbabalik ng mga binungkal para gawing daan patungo sa spa resort ay magsisilbing babala upang hindi na makapag-negosyo sa bansa ang kumpanya.

“Failure to undertake rehabilitation will mean that any application of the firm for any new project in any part of the country will not be entertained and processed," ayon sa kalihim.

Idinagdag pa ni Reyes na ang lahat ng gastusin para sa rehabilitasyon ay sasaluhin lahat ng Jung Ang.

Ang parusa ay parte ng nilagdaang utos ni Reyes noong ika-5 ng Hulyo na nagkakansela sa ECC na ibinigay ng Department of Environment and Natural Resources sa kumpanyang Koreano. Ang kanselasyon ang nagpatigil din sa kontrobersyal na proyekto ng Jun Ang.

Ang mga paghuhukay ay isa lamang sa pitong paglabag sa ECC na ginawa ng nasabing kumpanya matapos gumawa ng access road, kung saan tinanggal ang mga halaman.

Natuklasan ding gumagawa ng pantalan ang Jung Ang sa Talisay ng walang permiso.

Ang ilan pa sa mga paglabag ng Jung Ang ay ang sumusunod:

• Pagkabigong makakuha ng permit at makapagbigay ng clearance bago ang pagtatayo, mula sa Protected Area Management Board (PAMB), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB), National Water Resources Board (NWRB), Department of Tourism (DOT), at Local Government Units (LGUs);

• Pagkabigong gumawa ng Environmental Unit upang hawakan at tingnan ang implementasyon ng Environment Management Permit; at

• Pagputol ng mga puno nang hindi kumukuha ng permit mula sa DENR-Forest Management Services based sa Region IV-A.

Nadiskubre rin ng DENR na planong magtayo ng dalawang elevators na mayroong 15 passenger-capacity bawat isa, na isang “misrepresentation" ng kanilang Environmental Impact Statements (EIS).

Tinanggihan din ni Reyes ang kahilingan ng Jung Ang na 30-araw na palugit at hiniling na magbigay ito, bago ang ika-5 ng Hulyo, ng lahat ng nararapat na clearances at permits para ipagpatuloy ang spa project. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV