GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

4 sundalo pinugutan ng ulo sa Basilan

July 11, 2007 1:46pm

Tags: Basilan
Apat na sundalong miyembro ng Philippine Marines na naghahanap sa dinukot na Italyanong pari na si Giancarlo Bossi sa Basilan ang pinugutan ng mga pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf Group at scalawags na kasapi ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Una nang iniulat na nawawala ang 10 sundalo matapos makasagupa ang may 300 hanggang 500 armadong grupo sa bayan ng Tipo-Tipo nitong Martes.

Ang mga labi ng mga sundalo ay nakita ng mga tauhan ni dating Basilan Gov. Wahab Akbar nitong Miyerkules dakong 4 a.m. sa barangay Guinanta sa bayan ng Al-Barka. Dinala ang mga bangkay sa Zamboanga City.

Sa ngayon, walo pa lang ang idineklarang patay, siyam ang sugatan at anim pa ang nawawala.

Ayon kay Lieutenant Col. Ariel Caculitan, tagapagsalita ng Philippine Marines, umaga nitong Miyerkules nang makuha nila ang apat sa 10 nawawalang sundalo sa Ginatan, Tipo-Tipo, malapit sa lugar ng engkwentro.

Dagdag pa ng opisyal, wala ng ulo ang mga sundalo at patuloy ang ginagawang paghahanap sa anim pa nilang kasamahan.

"We were totally outnumbered and we have no time to recover enemy casualties but we have reports of dead and injured on their side," pahayag ni Caculitan.

Sa panayam naman ng radio dzBB, sinabi ni Col. Ramiro Alivio ng 1st Marine Brigade, pinagsanib na pwersa ng ASG at MILF ang posibleng nasa likod ng pag-atake sa mga sundalo.

"Nagboluntaryo ang mga tauhan ni Governor [Wahab] Akbar na pumasok sa area para makuha ang mga katawan ng mga sundalo at ipinaalam nga sa amin na pinugutan ang mga ito," ani Alivio.

Batay sa ulat ng GMA News, ang labanan ay tumagal mula 10:30 a.m. hanggang 5:30 p.m. noong Martes.

Pabalik na sana sa kampo ang mga sundalo mula sa paghahanap kay Bossi nang salubungin sila ng mga putok ng baril.

"Our reconnaissance mission will stop for now to reconsolidate [our forces], but we will continue our surveillance operations on the reported sighting of lawless elements," ani Alivio.

Sa hiwalay na panayam, itinanggi ni Senior Superintendent Alex Macapantar, hepe ng Basilan provincial police, na pinugutan ang mga sundalo.

"Hindi naman pinugutan ng ulo, talagang nawasak ang ulo," ani Macapantar.

Idinagdag niya na nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya kung anong grupo ang nakasagupa ng mga sundalo. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

Tags: Basilan