GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Litrato ng mga suspek sa Basilan ilalabas ng AFP

August 14, 2007 4:00pm

Tags: Basilan
Ilalabas sa publiko ang larawan ng mga hinihinalang pumatay at namugot ng ulo ng mga sundalo sa Basilan noong Hulyo 10 upang malaman ang pagkakakilanlan nito at matukoy ang kanilang kinaroroonan, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa ulat ng dzMM radio, sinabi ni AFP chief Gen. Hermogenes Esperon Jr na gumagawa ng bagong rogues gallery ang militar upang maisama ang mahigit 100 suspek na may kaugnayan sa Abu Sayyaf at Moro Islamic liberation Front (MILF) na kasangkot sa sagupaan sa Al-Barka, Basilan noong nakaraang buwan.

Nilinaw naman ni Esperon na lilinawin muna ng militar ang pagkakakilanlan ng mga suspek bago ilathala ang mga litrato nito.

Habang wala pang ibinibigay na tiyak na petsa, sinabi ni Esperon na ilalabas nila ang mga larawan sa tamang oras.

Naghain na kamakailan ng warrants of arrest para sa mahigit 100 suspek sa pamamaslang ng 14 na Marines sa Basilan noong July 10.

Iniutos ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nitong Sabado kay Army chief Lieutenant Gen. Romeo Tolentino na pangunahan ang opensiba sa Mindanao laban sa Abu Sayyaf at ilang masasamang elemento na may kinalaman sa July 10 ambush sa Basilan.

Ayon kay Arroyo, ang pag-atake ay naka-direkta lamang sa mga terorista sa lalawigan ng Sulu.

Nakabinbin ang pakikipag-usap ng gobyerno sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na umamin sa pag-atake sa Basilan. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV

Tags: Basilan