GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Pagbomba sa kuta ng Abu Sayyaf sa Basilan patuloy

August 28, 2007 2:45pm

Tags: Basilan
Patuloy ang opensiba ng militar sa lugar sa Basilan na hinihinalang kuta ng bandidong Abu Sayyaf.

Ayon kay Captain Neil Estrella, public information officer ng Task Force Thunder, nagsimulang magpaputok ng 81mm mortar rounds ang kanilang tropa sa pinaniniwalaang lokasyon ng mga suspek sa barangay Silangkom, Tipo-Tipo, Basilan, bandang 2:40 ng hapon nitong Lunes.

Sinabi ni Estrella na aabot sa 50 ang miyembro ng Abu Sayyaf sa lugar at hinihinala rin nilang ito ang parehong grupong sinagupa nila noong Linggo.

"The shelling has been ongoing since yesterday (Monday). It is part of our offensives to soften the target's defense. This is to support our ground troops," ayon kay Estrella.

Nitong Martes ng umaga ay hindi pa nakatatanggap ng ulat ang Task Force Thunder tungkol sa bilang, kung mayroon man, ng mga nasawi.

"Right now we are still verifying reports from our civilian informants. Our troops enjoy good support from local leaders. They are giving information so our men have not stopped moving on foot towards their objectives," sabi niya.

Sinusubukan na rin diumano ng Marines na maharang ang anumang posibleng ruta ng Abu Sayyaf patakas sa bayan ng Ungkaya Pukan.

"They (Abus) are still there. They are mobile but their movement is limited. Anywhere they go they are vulnerable," ayon sa kanya.

Sa kabilang banda, tatlong military engineering battalions ang inaasahang makararating sa Basilan sa linggong ito para gawin ang circumferential road doon.

Iniulat ng dzBB radio na kabilang sa batalyon ang mga military engineer na tutulong sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lugar.

Babantayan din ng nasabing batalyon ang mga DPWH personnel, ayon kay Brigadier Gen. Juancho Sabban, head ng Task Force Thunder.

Dagdag ni Sabban, makatitipid ang gobyerno sa pananatili ng military engineers dahil walang pribadong kumpanyang tatanggap sa proyekto. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV

Tags: Basilan