Chinese producers axe Cristine Reyes's director
Tinanggal na finally sa pelikulang Green Paradise si Bing Santos, ang Filipino director na makakatuwang sana ng isa pang director from Hong Kong na gagawa ng launching movie ni Cristine Reyes. Last week pa dapat dumating ang Hong Kong director na award-winning din daw sa TV drama sa bansa nila para makatulong sa pagdirek si Bing sa Green Paradise. Kaso, binagyo rin ang Hong Kong kung kaya't hindi siya nakarating on time pati na ang producer ng movie na siyang sumundo rito. Solo directing na rin ang gagawin ng Hong Kong director dahil hindi nagustuhan ng Chinese producers ang rushes ng Green Paradise na dinala ng Filipino producer doon. Napagkasunduan na rin na i-reshoot ang buong movie hindi baleng magka-doble gastos. Bagama't si Cristine lang ang naging vocal sa disgusto niya sa ginagawa nilang pelikula, nakarinig din ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ng complaints sa ibang artista kung kaya't muntik na rin daw magtalo sina Joel Torre at Direk Bing. Ang punto ni Bing, aktor lang si Joel sa pelikula kung kaya't hindi dapat makialam sa directing niya. Ang kay Joel naman na isa ring direktor sa Maaalala Mo Kaya ng ABS-CBN, may nakikita na rin siyang hindi maganda sa napanood nilang rushes kung kaya't gusto niyang tumulong. Hindi ang insidenteng minsang dumating sa shooting si Direk Bing nang nakainom ang inireklamo ng mga Chinese producers kundi ang mismong directing ng pelikula. Isang eksena raw na dramang-drama na sina Cristine at Kris Martinez, pero hindi mo makikita ang mga mukha nila dahil napakalayo ng camera at ginawa lang silang foreground sa napakagandang tanawin. Hindi rin daw mabusisi ang direktor. Isang mangingisda sa dagat ang papel ni Kris at sa isang eksena kung saan nagdala siya ng isda sa pamilya ni Cristine, tilapya na isdang tabang daw ang dinala, imbes na isda na galing sa tubig-alat. This week hopefully makakarating ang Hong Kong director at kukuha na lang ito ng isang assistant para sa mga Tagalog dialogues. Na-translate na in English ang buong script dahil marunong mag-English ang Hong Kong director. Pero dahil Tagalog pa rin ang dialogue, kinakailangan nitong kumuha ng Pinoy na assistant director. Nagbabalak pa rin ang producers ng Green Paradise na maipalabas ito this year na isasabay sa international release starting with several Asian countries. - Philippine Entertainment Portal