GMA News Online
Showbiz

Camille Prats is four months pregnant - mom

September 7, 2007 12:31pm
Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang ina ni Camille Prats na si Alma Prats kaninang umaga, September 7 (September 6 ng gabi sa US).

Sa kasalukuyan ay nasa Los Angeles, California na raw sila ni Camille, na umalis ng Pilipinas noong Wednesday, September 5.

Diretso na kaagad tinanong ng PEP si Mommy Alma kung ano ang katotohanan sa kumakalat na balitang buntis si Camille kaya pansamantala muna itong magpapahinga sa kanyang showbiz career, na taliwas sa unang pahayag ng young actress na mag-aaral muna siya sa Amerika.

Hindi naman nagkait ng kasagutan ang ina ni Camille. Agad nitong inamin na totoo ngang nagdadalang-tao ang nakababatang kapatid ni John Prats.

Ayon kay Mommy Alma, "Four months na ang pagbubuntis niya. So, malamang na dito na rin siya sa US manganganak.

Samantala, pinabulaanan naman ni Mommy Alma ang kumakalat na balita na ang young director na si Paul Soriano ang ama ng ipinagbubuntis ni Camille.

Matagal na raw nag-break sina Camille at Paul, na ngayon ay kasintahan na ni Toni Gonzaga.

Ayon kay Mommy Alma, ang non-showbiz boyfriend ni Camille na si Anthony ang ama ng magiging apo niya. Minsan na ring na-meet ng PEP nang personal si Anthony na ipakilala ni Camille noon sa amin.

"Anthony is our family friend," sabi ni Mommy Alma. "Yung family niya is our longtime family friend. Matagal na naming kakilala yung bata kaya walang problema. Susunod din siya rito sa US, although mas nauna lang na umalis si Camille."

More than two years na raw ang relationship nina Camille at Anthony, na for a while ay naputol. But later on ay nagkabalikan din sila.

Kung tungkol naman sa wedding ang pag-uusapan, most likely ay by next year na raw ito magaganap, right after makapanganak si Camille. Twenty-two years old na ngayon ang dating child star.

Binigyang-linaw rin ng ina ni Camille na ipagpapatuloy talaga ng young actress ang kanyang pag-aaral. Ayon kay Mommy Alma, kahit daw buntis si Camille ngayon, tuluy-tuloy pa rin ito sa planong mag-aral sa US.

"Matagal na kasing plano yung US schooling niya," diin ni Mommy Alma. "So wala namang problema dahil kahit nagdadalang-tao siya ngayon. Puwede pa rin naman niyang ipagpatuloy ang pag-aaral sa ibang bansa at makatapos sa gusto niyang course.

"Kaya nga kahit buntis siya, wala kaming choice kundi payagan siyang mag-stay muna sa Amerika. Para at the same time, magamit niya yung time na ‘yon para makapag-aral pa rin siya."

Bukod kina John at Camille, tatlo pa ang nakababatang kapatid ni Camille na pawang mga nag-aaral dito sa Pilipinas. Kaya ayon kay Mommy Alma, at the end of September ay uuwi rin siya sa Pilipinas kapag nasiguro na niyang settled na ang anak sa pag-i-stay niya sa ibang bansa.

Ang lola ni Camille at ang iba pa nilang mga kamag-anak sa Amerika ang pansamantalang makakasama ng young actress. Siyempre pa, kasama rin ni Camille ang non-showbiz boyfriend niya na si Anthony.

Huling napanood si Camille sa fantaserye na Super Twins ng GMA.

Para sa buong detalye ng kalagayan ni Camille, panoorin ang exlusive interview sa kanya ng Showbiz Central ngayong Linggo, September 9. Na-interview ng Showbiz Central si Camille mismo bago ito lumipad patungong Los Angeles. - Philippine Entertainment Portal