GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

P3 - P5 dagdag-sahod sa Central Mindanao inaprubahan

September 21, 2007 3:14pm
Inaasahang makatatanggap ng mula P3 hanggang P5 dagdag-sahod bawat araw ang mga manggagawa sa Central Mindanao (Region 12).

Ayon sa ulat sa MindaNews nitong Biyernes, sinabi ni regional wage board administrative assistant Patricia Agabao na isinumite na nila sa National Wages and Productivity Commission ang desisyon para sa review.


Ang Central Mindanao a binubuo ng mga lalawigan ng South at North Cotabato, Sarangani, at Sultan Kudarat at mga lungsod ng Koronadal at Kidapawan.

Napagdesisyunan ng regional wage board na taasan ng P5 ang cost of living allowance (COLA) ng non-agricultural workers sa lugar.

Ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura, nasa plantasyon man o hindi, ay makatatanggap ng umentong P4 sa sahod. Samantala, ang mga manggagawa sa retail-service sector ay makakakuha ng P3 dagdag sa sweldo.

Sa kasalukuyan, ang minimum wage sa rehiyon para sa mga nasa non-agriculture sector ay P224.50 kada araw; P208 para sa plantation workers at P205 para sa mga empleyadong hindi nagtatrabaho sa plantasyon subalit nananatili sa sektor ng agrikultura.

Para sa nasa retail-service establishments na may mahigit 10 manggagawa, ang bawat empleyado ay nakatatanggap ng P212 habang ang hindi hihigit sa 10 manggagawa ay nakakakuha ng P206 kada araw.

Bago dumating ang desisyon, nagsagawa ng isang serye ng pagdinig ang Department of Labor and Employment regional office noong nakaraang buwan kasama ang mga grupo ng employers at employees. Sari-sari ang panukalang inilatag sa kung magkano ang dapat idagdag sa sahod ng mga manggagawa.

Iginiit ni Jose Teruel ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na mahalaga ang umento sa pang-araw araw na sahod ng mga manggawa upang matugunan ang tumataas na presyo ng mga bilihin.

"Times are getting harsher," sinabi niya.

Patuloy na itinutulak ng kanilang grupo ang P125 across-the-board daily wage increase.

Ilang management groups at miyembro ng academe ang nagmungkahi ng mas mababang dagdag sa sweldo na mula P6 hanggang P15. Subalit humuhingi ang ilang grupo ng manggagawa ng mula P50 hanggang P75 na umento sa sahod.

Tutol ang mga samahan ng negosyante sa anumang balak na dagdag-sahod.

Ayon kay Allan Yaphockun, governor ng Philippine Chamber of Commerce and Industry-Southern Mindanao, mahihirapan ang mga negosyante sa pagtataas ng sweldo ng kanilang mga manggagawa.

Sinabi niya na iilang kumpanya na nga lamang sa rehiyon ang kayang bayaran ang kasalukuyang minimum wage.

Ang huling wage order sa rehiyon ay ibinigay noong Hulyo 19 ng nakaraang taon at ipinatupad matapos ang isang buwan. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV
Go to comments