GMA News Online
Pinoy Abroad
»
Kwentong Kapuso

Tula: Sa aking pagtanda

October 25, 2007 9:42pm
Sa Aking Pagtanda

ni Rev. Fr. Ariel F. Robles

Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensyahan.
Kapag dala ng kalabuan ng mga mata ay nakabasag ako ng pinggan
O 'di kaya ay nakatapon ng sabaw sa hapag kainan,
Huwag mo sana akong kagagalitan.
Maramdamin ang isang matanda, nagse-self-pity ako tuwing sisigawan mo ako.

Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo,
Huwag mo naman sana akong sabihan ng "binge!"
Pakiulit na lang ang sinabi mo o pakisulat na lang
Pasensya ka na, anak, matanda na talaga ako.

Kapag mahina na ang tuhod ko,
Pagtiyagaan mo sana akong tulungang tumayo,
Katulad ng pag-aalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa
lamang lumakad.

Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit
At paulit ulit na parang sirang plaka.
Basta pakinggan mo na lang ako.
Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan.

Natatandaan mo anak noong bata ka pa?
Kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo 'yong sasabihin,
Maghapon kang mangungulit hangga't hindi mo nakukuha ang gusto mo.
Pinagtiyagaan ko ang kakulitan mo.

Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy.
Amoy matanda, amoy lupa.
Huwag mo sana akong piliting maligo.
Mahina na ang katawan ko.
Madaling magkasakit kapag nalamigan
Huwag mo sana akong pandirihan.

Natatandaan mo noong bata ka pa?
Pinagtiyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.
Pagpasensyahan mo sana kung madalas ako'y masungit
Dala na marahil ito ng katandaan.
Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.

Kapag may konti kang panahon,
Magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang.
Inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa, walang kausap.

Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo
Na sabik na sabik na akong makakwentuhan ka,
Kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko.

Natatandaan mo anak, noong bata ka pa?
Pinagtiyagaan kong pakinggan at intindihin
Ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong teddy bear.

At kapag dumating ang sandali na ako'y magkakasakit at
Maratay sa banig ng karamdaman,
Huwag mo sana akong pagsawaang alagaan.

Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan.
Pagtiyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay.
Tutal hindi na naman ako magtatagal.

Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw,
Hawakan mo sana ang aking kamay
At bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan.

At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha,
Ibubulong ko sa Kanya na pagapalain ka sana
Dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama't ina.


Written by Rev. Fr. Ariel F. Robles
CWL Spiritual Director
St. Augustine Parish
Baliuag, Bulacan


Ipinadala ni: Marlon N. Zambrona
Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia
Go to comments