GMA News Online
Showbiz

Marian enjoys ‘Marimar’ stardom: They call me Bella

November 3, 2007 12:58pm

Sunud-sunod ang mga nasusulat na intriga sa lead star ng Marimar na si Marian Rivera. Nariyang nagbago na raw ang ugali niya, nagmamaldita na raw ito, at lagi raw nitong ipinagmamalaki na siya ang dahilan kaya mataas ang rating ng kanilang soap opera. Ito rin daw ang dahilan kaya galit na galit na sa kanya ang staff at mayroon pa raw gustong mag-resign, pero pinipigilan lamang daw sa katuwirang mataas naman ang rating ng Marimar.

Isang insider ng show ang nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal), at nagtataka ito kung saan nanggaling ang ganitong mga intriga kay Marian. Wala raw silang nakikitang pagbabago kay Marian. Ganoon na rin daw ito kabait, makulit, at playful simula pa nang makasama nila ito sa Super Twins, na unang telefantasya ni Marian sa GMA-7.

Tinanong din ng insider kung sino sa mga staff ang magre-resign dahil nagmaldita sa kanila si Marian. Ayon sa kanya, sa tuluy-tuloy raw na taping nila, masaya at maganda ang samahan ng mga artista at staff na sa palagay niya ay siyang dahilan kung bakit successful ang kanilang show. Baka raw hindi matanggap ng ilang tao na nagtatagumpay na si Marian.

Minabuti ring kausapin ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Marian mismo nang dalawin namin ang taping ng Marimar sa Stotsenberg Hotel sa Clark Pampanga last Thursday, November 1.

Basa-basa pa ang buhok ni Marian dahil galing pa raw siya sa shooting ng Bahay Kubo sa Magdalena, Laguna. Naligo lang daw siya at diretso na siya sa taping.

Binanggit ng PEP ang mga intriga kay Marian at hiningan na rin siya ng reaksiyon tungkol sa mga ito.

"Ayoko na lang intindihin ang mga intriga," nakangiting sagot ni Marian habang mini-makeup-an. "Kahit po kasi anong sabihin o gawin ko, may sasabihin pa rin sila kaya trabaho na lang ang iniisip ko.

"Three times a week po ang taping namin ng Marimar. Yung libreng araw ko, sa shooting naman ng dalawa kong movies sa Regal na parehong festival entries. May ten shooting days pa kami ng Bahay Kubo at five shootings days pa ang Desperadas, na parehong under the direction ni Joel Lamangan."

Nabanggit na rin lang ang Desperadas, kumusta naman sila ng co-star niyang si Rufa Mae Quinto na naintriga naman na nagkakalat daw ng tsismis laban sa kanya?

"Okay naman po kami ni Rufa Mae," sagot niya. "Hindi man po kami super close, nag-uusap naman po kami. Mababait naman po sila sa akin, sina Iza Calzado, si Ruffa Gutierrez.

"Sa Bahay Kubo naman po, lagi kaming magkasama ni Ms. Maricel [Soriano] sa eksena. Ako lang po ang hindi makakatikim ng sampal sa kanya [sa pelikula] dahil sa mga ampon niya, ako ang pinakamabait, ako ang paborito niya. Thankful po ako sa kanya dahil yung mga eksena namin, itinuturo niya sa akin kung paano iaarte."

Ano na ang naitulong sa kanya ng Marimar na almost three months nang napapanood sa GMA-7.

"Malaki po!" bulalas niya. "Kahit saan ako pumunta, kung Marimar ang tawag nila sa akin noon, ngayon Bella na. Marami pong dumating na offers na mag-cover sa mga magazines, may commercials and endorsements. May print ad ako ng shades.

"This November, lalabas po yung isang TV commercial ko at may shoot ako tomorrow [November 2] ng PLDT commercial, hindi ko lang puwedeng sabihin kung ano ang concept. Kaya hindi na rin ako nakakatanggap ng mga out-of-town shows, maliban kung promo ng Marimar.

"Pagkatapos ng shoot ko ng commercial, lalabas po kami ng mommy at lola ko. Kung saan po nila gusto, iti-treat ko sila," sabi niya.

Dahil hanggang February 2008 na lang ang Marimar, ano ang gusto niyang maging kasunod na project: Darna, Dyesebel o Rosalinda?

"Kahit po alin ang ibigay nila sa akin, tatanggapin ko. Ang mahalaga, tuluy-tuloy ang trabaho ko," pagtatapos ni Marian. - Philippine Entertainment Portal