ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

AFP hindi nagmamatyag sa media - Esperon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinabulaanan ni AFP Gen. Hermogenes Esperon Jr nitong Martes na tinitiktikan ng militar ang mga mamamahayag na nasa general court martial proceedings sa Tanay, Rizal. "I don’t think there was an intent to snoop at media," sinabi ni Esperon sa isang panayam sa Camp Aguinaldo. Inihayag ito ni Esperon matapos magpatawag ng imbestigasyon ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa iniulat na pagtatalaga ng mga ahente ng militar upang magmatyag sa mga mamamahayag na nasa Tanay at nag-uulat sa paglilitis ng mga opisyal ng militar at Marines na konektado sa bigong kudeta noong Pebrero 24, 2006. Depensa ni Esperon, naroon lamang ang mga sundalo upang obserbahan ang pagdinig at panatilihin ang kaayusan sa lugar. "They were just there to see what’s happening and keep the situation under control...I heard about some alleged snooping but I don’t think that that would be our intention, I don’t think that’s our intention," ayon kay Esperon. "I don’t think we need to snoop on you…to place (you) under surveillance. Not at all, not at all," dagdag ni Esperon. Nangako rin si Esperon na titingnan niya ang iniulat na may mga ahente ng militar na nagkukunwaring mga mamahayag dahil sa mga sticker na ginagamit. Sa pagdinig sa Tanay noong Nobyembre 16, naramdaman ng mga mamamahayag na sinusubukan ng ilang intelligence agents ng militar na makiusyoso sa kanilang pag-uusap sa mga nakakulong na opisyal. Inihayag ng isa sa mga akusado sa bigong kudeta na si Capt. Isagani Criste na nang tanungin niya ang isa sa mga ahente kung miyembro ito ng media, itinuro nito ang isang grupo ng mga mamamahayag upang ipahiwatig na miyembro siya nito. Isa pa sa apat na ahente na naroon ang kumuha ng video ng mga mamamahayag na naroon sa araw na iyon. Nakakitaan din sila na may suot na orange stickers na karaniwang ibinibigay sa media. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV

Tags: nujp, stalking