GMA News Online
Ulat Filipino
»
Pinoy Trivia

Takbong hubo’t-hubad

December 16, 2007 7:46pm
Inaabangan tuwing Disyembre ang taunang “Oblation Run" o pagtakbo ng nakahubo’t-hubad ng mga myembro ng fraternity group na Alpha Phi Omega sa University of the Philippines. Alam nyo ba kung kailan ito nagsimula at kung ano ang una nilang pakay?

Nakatakip ang mukha ng mga myembro ng APO na tumatakbong hubo’t-hubad habang bitbit ang karatula ng kanilang ipinoprotesta. May dala rin silang rosas na ibinibigay sa mga nanonood sa kanilang pagtakbo.

Taliwas sa maling akala, hindi isang paraan ng “initiation" sa bagong recruit na kasapi ng APO ang pagsama sa Oblation run. Tanging mga ganap na myembro lamang ng fraternity pinapayagan na makibahagi sa kakaibang paraan ng kanilang pagpapakita ng “protesta."

Unang ginawa ng APO ang pagtakbo ng hubo’t-hubad noong 1977 para sa promosyon ng isang dula o play na pinamagatang “Hubad na Bayani" na parangal sa isa nilang kasama na namatay sa isang rumble.

Maliban sa isang paraan ng pagprotesta, ang pagtakbo ng hubot’-hubad ay paalala rin umano ng APO sa mga mag-aaral ng UP tungkol sa prinsipyo ng Oblation na ialay ang buong sarili para sa bayan. - GMANews.TV