GMA News Online
Pinoy Abroad
»
Kwentong Kapuso

Ano nga ba ang kahulugan ng Pasko?

December 21, 2007 3:27pm
KAHULUGAN NG PASKO

Ang Pasko ay ipinagdiriwang natin isang beses isang taon. Papaano ba natin ipinagdiriwang ang Pasko?

'Di ba kapag Pasko naglalagay tayo ng dekorasyun, mga Christmas light, at naghahanda tayo ng mga masasarap na pagkain, nagbabalot tayo ng mga regalo.

Kapag malapit na ang Pasko diyan din natin isinasagawa ang Simbang Gabi, ganyan natin ipinagdiriwang ang Pasko.

ANO NGA BA ANG TUNAY NA KAHULUGAN NG PASKO? Marami ang nagsasabi na ang kahulugan ng Pasko ay pagmamahalan, pagbibigayan, pagpapatawaran, pagkakaisa.

Para sa akin ang Pasko ay isang simbolo lang at pag respeto sa kapanganakan ni Jesus. Para sa akin kailangan gawin natin ang Pasko araw araw. Sasabihin Pasko kaya magmahalan tayo, pasko kaya magbigayan tayo, magpatawaran tayo, Pasko kasi eh.

Pasko lang ba natin pwedeng gawin ang ganyang mga bagay? 'Di ba dapat bilang tao kahit hindi pasko dapat magmahalan tayo, mag kaisa, magbigayan, mag tulungan tayo , kahit hindi Pasko
gawin nating malinis ang ating puso. Hindi 'yung gagawin lang natin 'yan kapag Pasko.

Kahit anong araw pwede natin maramdaman ang Pasko sa pagbibigay , sa pagtulong sa mga kapus palad kahit sa maliit na bagay , sa pagbibigay natin ng pagmamahal, sa pagkakaisa natin.

Sa tingin ninyo ba sa nangyayari sa ating bansa mararamdaman pa kaya natin ang totoong kahulugan ng Pasko?.Bakit Kapag araw ng Pasko naoobserbahan ko laging puno ang mga malls, Baclaran siksikan, Divisoria.

Minsan natatawa na lang ako at naiisip ko na kung titingnan mo ang mga tao sa mall parang
mga hindi naghihirap. Ganyan talaga natin pinaghahandaan ang Pasko, ilang oras mababago ang ating buhay dahil araw ng Pasko. Pagkatapos ng Pasko balik na naman sa normal na buhay.

Minsan sa sarili ko kapag nagsasaya ako kapag kumakain ako sa mamahaling restaurant ang naiisip ko ako nandito nagsasaya, maganda ang buhay pero pag naiisip ko 'yung mga tao sa Pilipinas bigla ako nalulungkot.

Sa mga kaguluhang pangyayari, at mga kahirapan na dinaranas ng ating mga kababayan.Para sa akin hindi ko kayang magsaya sa araw ng Pasko kung nakikita kong marami ang naghihirap na ating kababayan.

Kaya sa aming mga OFW halos hindi na namin iniisip ang araw ng Pasko normal na araw na
lang para sa amin 'yan.

Kaya naalala ko nung unang taon ko dito sa Qatar, unang taon ng pagdiriwang ko ng Pasko, unang pagkakataon na nangyari sa akin na nagsimba ako mag-isa , at nagdaos ako mag-isa ng kapaskuhan. Ganun pala, napakalungkot sa unang pagkakataon na darating ang Pasko na malayo ka sa mga mahal mo sa buhay.

Pero sa ngayon hindi ko na masyado napi-feel ang kapaskuhan, normal na araw na lang para sa aming OFW 'yan.

Kung iisipin mo ang Pasko ay para na lang sa mga bata dahil naniniwala sila kay Santa Claus.

Ang mga bata naa-appreciate nila ang Pasko, bigyan mo sila kahit maliit na regalo tuwang-tuwa na sila.

Pero siguro sa aming matatanda hindi na namin maramdaman ang kahulugan ng Pasko lalo na nandito kami sa ibang lugar na nakikipagsapalaran dahil sa hirap ng buhay sa ating bansa.

Para sa inyong lahat maging maligaya sana ang inyong Pasko, at sana'y lagi kayong patnubayan ng ating Panginoon na lumikha sa atin..

Ms. Rose Dela Merced
Doha, Qatar
Philipine Address: San Jose Del Monte, Bulacan

- GMANews.TV
Go to comments