GMA News Online
Pinoy Abroad

Bagong Nayong Pilipino bukas na sa Clark, Pampanga

December 26, 2007 5:01pm

Tags: Pampanga
Binuksan na sa publiko ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang bagong Nayong Pilipino sa Clark Expo (NPCE) na itinayo sa Colonial Plaza sa Clark Freeport Zone, Pampanga.

Ang lumang 8.6 hektaryang Nayong Pilipino na pasyalan ng pamilya sa Pasay City ay isinara noong Hulyo 2002 sa bisa ng Executive Order No. 11 na ipinalabas ni Gng Arroyo upang gamitin sa pagpapaluwag sa katabi nitong Ninoy Aquino International Airport.

Nakapaloob sa EO No. 11 ang paglikha ng Nayong Pilipino Foundation na inatasang maghanap ng alternatibong pagtatayuan ng cultural theme park.

At nitong Disyembre 22, pinasinayaan ni Arroyo ang bagong tahanan ng Nayong Pilipino sa Clark Expo kung saan makikita ang mga replica ng iba’t-ibang tanawin sa Pilipinas katulad ng Barasoain Church, Heroes' Plaza at Ifugao village.

Ang Barasoain Church ang nagsilbing sentro ng kapangyarihan ng rebolusyunaryong gobyerno ng Pilipinas dahil dito nilikha ang Konstitusyon ng bansa na tinawag na Malolos Constitution.

Makikita naman sa Heroes' Plaza ang replica ng mga tahanan ng mga bayaning sina Dr. Jose Rizal, Emilio Aguinaldo at Apolinario Mabini.

Ayon kay Charito L. Planas, executive director ng NPCE, walang bayad ang pagpasyal sa cultural theme park mula Disyambre 22, 2007 hanggang Pebrero 2008. Pagkatapos nito, magkakaroon ng entrance fee sa mga papasyal mula P5 hanggang P10. Bukas ang cultural theme park sa buong linggo mula 8 a.m. hanggang 9 p.m.

Kabilang sa mga makikita sa bagong Nayong Pilipino ang mga museum, katutubong bahay, mga produktong gawa ng Filipino, cultural performance, exhibits, restaurant at meditation gardens. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

Tags: Pampanga