GMA News Online
Pinoy Abroad
»
Kwentong Kapuso

Dalawang tula sa Pasko mula Cayman Islands

January 1, 2008 4:40pm
Dalawang Tula Ng Pasko
by Erwin Blancaflor, Cayman Islands

Malamig Na Pasko

“Sa may bahay, ang aming bati…Merry Christmas, na maluwalhati…"
'Di na talaga maiikubli ang diwa ng Pasko.
Maraming ilaw….ibat-ibang uri ng palamuti sa kanya-kanyang tahanan,
Naglalakihang hugis ng mga Christmas tree….
Sadyang napakabilis ng pag-inog ng panahon.

Nakakalibang ang mamasyal sa kapaligiran,
Mga naglalakihang bahay na punong-puno ng ilaw
Lalo na sa gilid ng mga daanan patungo sa kabilang dulong hangganan.

Mga pinagdugtung-dugtong na ilaw na ikinabit at idinamit
Sa naglalakihang puno sa kanilang bakuran
Mga higanteng estatwa na animo'y mga tunay na
Nilalang na nagbabantay sa kanilang nasasakupan,
Mga karakter na nagbibigay kulay sa palamuting …
Para sa akin ay walang buhay.

Nasaan na nga ba ang diwa ng Pasko?
Ito ba ay nasa disenyo kung paano ihahayag ito?
Mga tanikalang tanglaw na maganda lamang sa kalayuan..
Nasaan ang mga gumawa nito?
Ah, alam ko na ang kulang…
Ang napakahalagang bagay…
Ang siyang dapat na maghayag ng tunay na diwa ng kapaskuhan…
Ito ay ang mga taong may pakiramdam,
Mga nilalang na disinsanay naroron din upang mag anyaya
Sa mga nagdadaan at mag ambag ng kanilang kagalakan.

Kung magkakaroon nga lamang ng damdamin angmga estatwang nakabantay doon,
Kung maka-aawit nga lamang ang mga punong napapalibutan ng tanikalang tanglaw,
Kung ang mga nilalang sa bahay na bato ay sadyang gumagalaw
At may layang maghayag ng damdaming marangal…
Ang diwa ng Pasko ay kusang matatanaw.

Ang lahat ng ito ay 'di ko kinagisnan sa aking pinagmulan.
Wala kaming higanteng puno na pinalibutan ng tanikalang tanglaw…
Subalit meron naman kaming munting Krismas tri na may tala sa bandang ulunan.
Ang saya ng lahat habang itinatayo ang munting sabitan,
Kanya-kanyang kuha ng palamuti at una-unahan sa pwesto
Kung saan mo gusto, may kalayaan ang lahat na ipahayag
Ang tunay na damdamin ng pasko.

Siyempre pa ay 'di mawawala ang mga aginaldo sa paanan nito…
Na bubuksan lamang sa araw ng Pasko.
Ibat-ibang paraan ng pagsulyap ng pangalan na nakatala sa ibabaw ng kahong
binalutan ng may palamuting papel…
Minsan ay walang laman, at mapalad naman kung matapat ka sa mabigat na bagay.

Minsan isang araw noong ako ay naglalakad sa may baybay-dagat,
Aking naulinigan ang isang musikang sadya namang nakapukaw sa aking atensyon.
Awiting napakaganda,subalit ng akoy lumapit,
Ang umaawit ay 'di ko makita…
Ito pala ay likha lamang ng radyong likha ng makabagong siyensya.
Kaya naman 'di ko mapigil ang pagbalik tanaw noong ako ay musmos pa
Kasama ng aking mga kalaro at kaibigan.
Sama-sama kaming naghahanap ng tansan sa tabing kalsada,
Pag marami ng naipon ay isa-isa na namin itong pipitpitin
Upang makalikha ng instrumento para sa planong karoling.
Tambol na yari salatang may plastik sa ibabaw mga palakpak na walang humpay…
Subait kaakibat nito ay ang awiting galing sa aming puso,
Na naghahayag ng tunay na diwa ng kapaskuhan…
Galing sa damdamin…mula sa kaibuturan ng pagmamahal.
Ah…. Sadyang malamig na nga ang simoy ng hangin,n
Napapanahon na ang pagsuot ng saplot sa hubad na katotohanan…
Na kung hindi pa iihip ang hangin ay hindi pa madarama ang himig
Na disin sanay malaon ng nasulyapan,
Mga bagay na nagtulak sa akin upang magulumihanan.
Mga bagay na na walang kulay at paimbabaw lamang .
Salamat na lamang sa kulturang aking kinagisnan,
Sapagkat malaya kong naihahayag ang tunay na kahulugan ng kapaskuhan.
Ang lamig na dulot ng kawalan…
Ay siya ring lamig na nagpaalala sa akin ng aking pinagmulan.



Dayuhang Pasko



Muli na namang sumahimpapawid ang himig ng pagmamahalang likha ng kapaskuhan
Mga awitang nakakapagbigay ligaya sa puso ng matagal ng naghihintay
Mga musikang nagbibigay galak sa tuwing ang tunog ay dadampi sa damdaming nagmamahal
Ang kaganapan ay malapit na subalit wala pa din sa karimlan.

Ano nga ba ang ibig sabihin nito? Para kanino nga ba ang Pasko?
Kahapon lamang ay kapiling mo ang iyong mahal sa buhay…
Kasamang nagsasaya sa dulang ng pagmamahalan
Sama-samang sinasalubong ang diwa ng kapaskuhan.

Subalit tila yata mapagbiro ang tadhana at ikaw ay ipinadpad sa lungsod na banyaga,
Kapiling ng ibat-ibang taong minsan mo lamang namalas at nakita.
Pagkakataon ang nagtulak sa iyo na bunuin ang mahabang panahon upang ang minamahal na mula doon, ay mai-ahon.

Tama…upang sila ay lumigaya… marapat lamang na ikaw ay maglakbay para sa kanila.
Pagbuno sa pawis at maging Pagal na damdamin ay di alintana.
Dama nila ang pasko…yan ay pihadong-pihado,mga musika at himig na minsan mo ng natanto,
Siguradong masaya ka para sa kanila… at kahit na manawari’y…sila para sa iyo.

Ilan pa ba ang mga taong tulad mo? Ilan pa silang nakararanas ng ganito?
Dapat ka bang magdalamhati sa katotohanang namamalas mo?
O dili kaya ay itanong sa sarili mo….
Hindi baga at ganyan din ang nangyari sa ating Panginoong Hesukristo?
Mula sa karangyaan ay sumadlak sa ating kapantayan,
Iniwan din ang mga mahal sa buhay at sa dayuhang lugar,doon iniluwal.
Naghirap din sa haba ng paglalakbay para lamang sa kapakanan ng sangkatauhan,
At ang pasko ay ipinagdiwang ng payak,walang rangya…sa isang sabsaban.

Muli, ay tama ka…ang Pasko ay para sa dayuhan pala, at tulad mo din,lahat ay dapat magsaya,
Sapagkat ang tunay na diwa ng Pasko ay di nakasalalay sa karangyaan, kundi sa kung paano mo ito tatanggapin…dadamhin…ipagdiriwang ,
At ito ay matatagpuan hindi sa kung saan man…kundi sa puso ng may damdamin at nagmamahal.

Erwin Blancaflor
Cayman Islands

- GMANews.TV