GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Street vendors sa Maynila lilipulin ni Mayor Lim

January 2, 2008 9:01pm

Inihayag ni Manila Mayor Alfredo Lim na desidido siyang burahin sa lungsod ang mga ilegal na nagtitinda sa kalye bago matapos ang 2008.

Tinipon ni Lim nitong Miyerkules ang mahigit 11,000 kawani ng Manila City Hall at inatasan silang ipatupad ang kanyang kampanya laban sa illegal vendors na sinimulan sa kahabaan ng Roxas Boulevard o mas kilala sa tawag na Baywalk.

“This is just the start. We will clean up Manila of vendors and street people," pahayag ni Lim, na kasama ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo sa paglilinis sa Roxas boulevard.

Sinabi ni Lim na isusunod na lilinisin ang Quiapo area na kilalang lugar na tindahan ng mga herbal medicine, mga alahas, electronic items at handicrafts.

Ang mga vendors sa Claro M. Recto Avenue at mga kalye sa Divisoria ay ililipat umano sa isang lugar na kung tawagin ay Comercio sa Divisoria.

Samantala, ang mga street vendors naman sa Quiapo at Sta. Cruz ay ililipat sa Muelle de la Industria.

“The merchants who have the regular stalls were just too happy to get their customers back. Yong mga vendors balita ko naghahanap ng padrino para pakiusapan ako na huwag daw ituloy ‘yong plano," ayon kay Lim.

Pero iginiit niya na ang vendors din ang makikinabang sa kanyang programa sa huli.

“Sila naman ang makikinabang dito in the long run, kasi maalis na’ yong kultura ng tong na sila ang kinokolektahan. Yang zero vendor na plano natin, zero tong collection din ang ibig sabihin. Buong-buo na nilang maiuuwi ang kita nila, hindi na mababawasan ng tong, paliwanag niya. - Fidel Jimenez, GMANews.TV