GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

DOH nagbabala sa pagtaas ng dengue cases

January 22, 2008 6:33pm
Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa, ayon sa ulat ng QTV nitong Martes.

Sa loob ng unang dalawang linggo ng Enero ngayon taon, inihayag ng DOH ang pagdami ng mga pasyanteng may dengue na dinadala sa San Lazaro Hospital. Mas mataas umano ang bilang ng mga pasyente ngayon kumpara sa katulad na panahon noong 2007.

"Prevailing trends all point that dengue is likely to grow in extent and severity in the coming years," puna ni DOH Sec. Francisco Duque III.

Idinagdag ng kalihim na tumaas din ng 24 porsyento ang bilang ng mga pinaghihinalaang may dengue na dinala sa mga pagamutan ngayon taon kumpara noong 2007.

Sa kabila nito, tiwala si Duque na hindi mangyayari na magkakaroon ng dengue epidemic sa bansa sa malapit na hinaharap.

Mula Enero 1 - 12, lumitaw na tumaas ng 152 porsyento ang mga pasyente na dinala sa San Lazaro Hospital kumpara noong 2007.

Sa kabuuan, umabot na sa 308 kaso ng denque ang naitala sa ibat-ibang pagamutan. Mas mataas ito kumpara sa 122 dengue cases na naitala noong 2007 sa katulad na panahon.

Una ng inihayag ni Duque na magkakaloob ang World Health Organization at Asian Development Bank ng P20 milyon upang gamitin sa kampanya upang mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.

Sa talaan ng Health Department's National Epidemic Center (NEC), nadagdagan ng 8,649 ang kaso ng dengue noong 2007 mula sa 36,701 kaso na naitala noong 2006.

Sa 45,350 pinaghihinalaang kaso ng dengue noong 2007, 416 sa mga ito ang namatay. Mas marami pa rin kumpara sa 378 namatay noong 2006.

Nanawagan naman si Duque sa mamamayan na tumulong sa kampanya laban sa dengue sa pamamagitan ng paglilinis ng mga bakuran. Kadalasang namamahay ang lamok na may dala ng dengue virus sa mga nakaimbak na tubig.

"The public should be told that the best and most doable and most cost-effective approach against dengue is to search and destroy all possible mosquito breeding grounds," ani Duque. - GMANews.TV
Go to comments