GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Mga labi ng mag-inang pinaslang sa Japan dumating na

March 30, 2008 7:12pm
MANILA – Dumating na sa bansa nitong Linggo ang mga labi ng Filipina at kanyang sanggol na pinaslang sa Japan.

Sa ulat ni Lito Laparan ng dzBB radio, ang mga labi nina Crisanta Lopez, 33 at pitong buwang gulang na anak na si Naomasa ay dumating sakay ng Philippine Airlines Flight PR-431 dakong 1:30 p.m.

Ang mga labi ay sinalubong ng mga kamag-anak ni Lopez at kinatawan ng Department of Foreign Affairs’ Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA-OUMWA)..

Tiniyak ng kinatawan ng OUMWA sa kamag-anak ni Lopez na patuloy nilang susubaybayan ang kaso ng mag-ina na pinatay ni Masayoshi Nagano, asawa ni Crisanta.

Ayon sa ulat, ang mga labi ay dadalhin sa Tajuna funeral parlor sa Quezon City bago ito ililipad patungo sa kanilang bayan sa Roxas City, Capiz sa Martes upang ihatid sa huling hantungan.

Sa paunang imbestigasyon, pinatay sa saksak si Crisanta habang sinakal naman ang sanggol noong Marso 17 sa Nagano.

Sinabi ng DFA na problemado umano sa pananalapi ang suspek na si Masayoshi kaya nagawa ang krimen. Si Masayoshi ay napag-alamang drayber ng bus sa Japan. - GMANews.TV