Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

PEP: Ogie Alcasid still busy with his singing despite TV, movie projects

April 1, 2008 10:26pm
Kahit busy sa kanyang TV career at magbabalik-pelikula pa via Love Is Deaf...And Blind, hindi pa rin nakakalimutan ni Ogie Alcasid ang musika. Ibinalita ng singer-songwriter sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na may tinatapos siyang album sa Universal Records na ang tentative title ay The Great Filipino Songbook.

"Gusto ko sanang tawaging tribute album ito, pero masyadong malalim at baka lumabas na tribute sa heroes. Halfway na ako sa recording. Nine songs na ang nare-record ko at sa May na ang release ng album. Puro love songs ang laman ng album, gaya ng ‘Malayo Pa ang Umaga,' ‘Doon Lang,' at mga songs nina Rico J. Puno, Prof. Ryan Cayabyab, George Canseco, at marami pang iba. Basta, hintayin n'yo na lang. I'm very proud of this album," pagmamalaki ni Ogie.

Bakit hindi sa Indie Music nila ni Regine Velasquez niya ginawa ang album?

"Kasi in-offer ako ng isang project that they really wanted to do," paliwanag niya. "Parang it's their dream to do it. May gagawin din naman ako sa IMusic, ang OST o Original Soundtrack ng Urduja, ang animation film ng APT Films. Pero Universal Records din ang magre-release."

Kuwento ni Ogie, 12 or 14 tracks ang OST ng Urduja at original lahat ang songs. Si Joey de Leon ang lyricist at si Mon Faustino ang arranger. Si Ogie ang sumulat ng carrier single na "Babae Ako" na kakantahin ni Regine. May solo song din dito si Cesar Montano, pero hindi matandaan ni Ogie ang title.

20TH ANNIVERSARY CONCERT. Pinaghahandaan na rin ni Ogie ang 20th anniversary concert niya sa September 27 billed as 20/20. Sina Regine, Piolo Pascual, Janno Gibbs, Jaya, Marian Rivera, Dennis Trillo, Kyla, Lovi Poe, Pops Fernandez, Judy Ann Santos, at Gary Valenciano pa lang ang binanggit niyang kumpirmadong magge-guest sa concert niya. Si Rowell Santiago ang director nito at si Gerard Salonga naman ang musical director.

"Nagulat kayo kung bakit kasama si Marian, ‘no?" paunang sabi ni Ogie. "May gagawin kaming gimik na magugustuhan ninyo. Sana pumayag ding mag-guest sina Martin Nievera, Sharon Cuneta, at yung iba pang ginawan ko ng kanta."

Lalong magiging busy si Ogie dahil sa pagiging judge niya ng Pinoy Idol kasama sina Jolina Magdangal at Wyngard Tracy. Magpa-pilot na ito sa April 5 sa GMA-7, pero dahil ang audition phase pa lang ang ipalalabas, libre pa rin ang Sunday afternoon niya.

Kapag live na ang talent search at ‘pag nagsimula na ang shooting ng movie nila ni Regine at ‘pag umeere na ang bago niyang show na The Big Show, hindi na alam ni Ogie kung paano pa ang buhay niya. - Philippine Entertainment Portal