GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Pumatay sa asawang Pinay at anak sa Japan kinasuhan na

April 9, 2008 11:47pm
MANILA - Kinasuhan na ang Hapon na padre-de-familia na pumatay sa kanyang asawang Pinay at pitong-buwang anak na lalaki nitong Miyerkules sa Japan, ayon ng Department of Foreign Affairs.

Ipinaalam ni Philippine Ambassador to Japan Domingo Siazon Jr sa DFA pagsasakdal ng Hachioji branch sa Tokyo Regional Court laban sa 43-anyos na si Masayoshi Nagano dahil sa pagpatay sa kanyang asawa na si Crisanta Lopez, 33, at anak na si Naomasa.

Inaasahan na sisimulan ang paglilitis kay Nagano sa susunod na buwan.

“The Embassy will attend the hearings and closely follow developments on the case," ayon kay DFA spokesperson Claro Cristobal sa ipinadalang text message sa GMANews.TV.

Nitong Sabado ay inilibing ang mga labi ng mag-inang Crisanta at Naomasa sa Mambusao, Capiz.

Sa imbestigasyon ng pulisya sa Japan, sinaksak ni Nagano, isang drayber ng bus, ang kanyang asawa at sinakal ang anak noong Marso 17 dahil sa sobrang depresyon at kawalan ng tulog dahil sa pag-iyak ng sanggol.

Napag-alaman na limang taon ng nagsasama sina Crisanta at Masayoshi bago naganap ang krimen.

Nagpunta sa Japan noong 1997 si Crisanta upang magtrabaho bilang entertainer.

Pagkalipas ng walong taon, nagpakasal sina Crisanta at Masayoshi sa Immaculate Concepcion Metropolitan Cathedral sa Roxas City, Capiz. - GMANews.TV