ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 bagyo posibleng tumama sa Pilipinas ngayong Mayo - Pagasa


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Nagbabala ang weather forecaster ng Pilipinas nitong Martes sa dalawang bagyo na posibleng tumama sa bansa ngayong buwan ng Mayo. Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa), minomonitor nito ang galaw ng low pressure area (ALPA) na namataan sa silangang bahagi ng Mindanao. Gayunpaman, malayo pa umano ang ALPA sa teritoryo ng Pilipinas. Sinabi ni Robert Sawi, Pagasa weather forecaster, ang nararanasang pag-ulan sa hapon ay palatandaan na malapit na ang panahon ng tag-ulan. "Umuulan-ulan na sa hapon. 'Yan 'yung mga indicators na nalalapit na 'yung pagsapit ng tag-ulan," paliwanag ni Sawi. Inihayag ng Pagasa na makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan at maulap na papawirin sa Bicol, Visayas at Mindanao. Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas din ng maulap na kalangitan at paminsan-minsan ay kalat-kalat na pagkulog-pagkidlat sa hapon o gabi. Sa kabila nito, nagbabala pa rin ang weather bureau sa publiko na patuloy na mag-ingat laban sa mga sakit na maaaring idulot ng matinding init ng panahon lalo na sa Luzon. -GMANews.TV