ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga kongresista nagbigay ng huling respeto kay Rep. Beltran


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA - Nagpaalam na ang mga kongresista nitong Miyerkules sa namayapang kasamahan na si Anakpawis Rep. Crispin Beltran nang dalhin ito sa Kamara de Representantes para sa necrological service. Pinangunahan ni Speaker Prospero Nograles ang mga kongresista na nagbigay ng huling respeto kay Beltran na ihihimlay ang mga labi sa Angel of Meadows and Nature Park sa Angat, Bulacan sa gabi ng Miyerkules. Sa kanyang talumpati, ipinaabot ni Nograles ang kanyang paghanga kay Beltran na inalay ang buhay sa kapakanan ng mga manggagawa. Pinuri rin niya ang kababaang-loob at payak na pamumuhay ng pumanaw na kongresista. “The cruelty of a dictatorship failed to dim the purvor of his activism. The tribulations of incarceration did not diminish the fire of his patriotism. Poverty did not rob him of the fortitude of his convictions to dedicate’s life to the upliftment of the plight of the poor," pahayag ni Nograles. Nagpaabot naman ng pasasalamat si Ofel Beltran-Balleta, anak ni Beltral, sa mga nakiramay at nakinig sa hinaing ng masa na ipinaabot ng kanyang ama. “Sa mga mambabatas sa bulwagang ito, ako po ay nagpapasalamat bilang isang anak dahil pinayagan ninyo o makinig sa mga salita ng aking ama nang panahon na siya ay isa sa inyo dito," ayon kay Beltran-Balleta. “Nang sabihin niya sa bulwagang ito na ang tunay na dahilan ng paghihirap ng sambayanan ay hindi ang mga sinasabi ninyo kungdi ang tatlong ismo - pyudalismo, burukrata kapitalismo at imperyalismo," idinagdag niya. Napuno rin ang gallery ng session hall ng Kamara dahil sa mga tagasuporta ni Beltran na nakasuot ng pulang damit. “Yumao si Crispin Beltran na hindi nasindak, na hindi yumukod sa mga nang-api sa kanya. Yumao siyang walang pusyaw ang kanyang tapang, commitment at katapatan sa bayan na dalisay niyang minahal. Walang bahid ang kanyang marangal na pangalan, gaano man siya paulit-ulit na tawaging mangugulo, komunista, kaaway ng estado, mahigpit pa rin siyang niyayapos ng masang Pilipino bilang bayani ng sambayanan," pahayag ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo. Sa misa na pinamunuan ni Fr. Joe Dizon, hinamon niya si Nograles na isulong at aprubahan ang mga panukalang itinaguyod ni Beltran katulad ng panukalang P125 wage hike sa arawang kita ng mga manggagawa at P3,000 na buwanang umento sa mga kawani ng gobyerno. Mula sa Kamara, magsasagawa ng caravan ang mga tagasuporta ni Beltran upang ihatid ito sa kanyang himlayan sa Bulacan. - Fidel Jimenez, GMANews.TV